Ni Annie Abad

UMAASA si PHILSPADA Para Dance sports coach Bong Marquez na mas mabibigyan ng tulong ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga atleta para mas magpursige na maitaas ang antas ng kanilang pagiging kompetitibo.

Ayon kay Marquez,kasalukyang may limang pares ng Para Dance sports ang kanilang tinuturuan at sinusoportahan bilang bahagi ng kanilang youth program sa mga miyembro ng Persons with Disability (PWD).

“We have five new couples po, or five pairs na kino coach po natin ngayon, para isali sa mga youth competitions, kasi ‘yun po ang plano talaga ng Para Dancesports, na matulungan ang mga kapatid natin na may kapansanan na sumali sa ganitong events, to make them feel na hindi sila iba sa atin,kaya po sana bigyan po kami ng atensyon ng mga sports officials natin, not only financially pero yung moral support po,” ayon kay Marquez sa lingguhang PSC-POC Media Group Facebook live forum sa Philta Conference Room sa Rizal Memorial Compound.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Katunayan, dalawa sa mga kilalang Para Dancesports athletes na sina Rhea Marquez at Julius Obero ay nagwagi kamakailan sa Pilipinas Got talent sa ABS-CBN kung saan ipinakita nila ang kanilang galing sa pagsasayaw na naging ticket nila sa semifinal round matapos makuha ang ayuda ng mga hurado.

Ngunit, bago pa man makilala sa PGT,sumabak at nagwagi sina Marquez at Obero sa World DanceSports Championships nitong Oktubre sa Belgium.

“Masayang masaya po kasi after nung World Championship,naisipan po namin na sumali sa PGT tapos ganun po ang naging outcome so talagang masayang masaya po,” pahayag ni Marquez (Rhea) na kasalukuyang estudyante ng St. benilde at may kursong Human Resources.

Nakatakdang sumabak muli ang tandem nina Marquz at Obero sa World Cup tournament sa Marso 9-11 sa Amsterdam.