Ni Leslie Ann G. Aquino at Roy C. Mabasa

Makakukuha pa rin ng financial assistance mula sa pamahalaan ang pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na si Melody Castro Albano, na nasawi sa 6.4 magnitude na lindol sa Hualien, Taiwan, nitong Martes ng gabi.

Ito ang paniniyak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Labor and Employment (DoLE) kahit na hindi aktibong miyembro ng OWWA si Albano.

“She is an inactive member but we will still provide her benefits,” sabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, na taga-Cagayan Valley din. Si Albano ay tubong Abulog, Cagayan at nagtatrabaho bilang nurse sa mag-asawang Japanese na nakatira sa isa sa apat na gusaling gumuho sa lindol.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kabilang, aniya, sa benepisyo na makukuha ng pamilya ni Albano ang repatriation, death benefits, livelihood, at scholarship ng anak nito, kung mayaroon man.

Gayunman, inamin ni Bello na medyo maliit ang benepisyo nito kumpara sa matatanggap ng mga aktibong miyembro ng OWWA.

Nagpahayag naman ng pakikiramay ang Taiwanese government sa pamilya ni Albano.

“We would like to extend our sincere condolences and sympathy to the family. We are sorry. We also share the—we are very sad at the news—the grief of the family. Our hearts are with the family at this (trying) time,” madamdaming pahayag ni Dr. Gary Song-Huann Lin sa panayam sa telebisyon.

Partikular na tinukoy ng doktor ang pamilya ni Albano, at nag-alok din ng tulong sa mga naulila ng OFW upang maiuwi ng mga ito ang bangkay ng Pinay mula sa Taiwan.

Naiulat na bukod kay Albano, siyam na iba pa ang nasawi sa lindol, at aabot sa 265 ang nasugatan, habang 50 pa ang nawawala.