Ni PNA

ISASABAK ng Team Philippines ang 37 atleta sa Asian Games test event sa Jakarta, Indonesia simula sa Huwebes.

Ang test events ay isinasagawa ng host country para masiguro ang maayos at matagumpay na kaganapan sa tournament proper. Nakatakda ang Asian Games sa Agosto 19 hanggang Setyembre 2.

Ang mga sports sa test events ay athletics, archery, 5x5 basketball, boxing, pencak silat, taekwondo, volleyball, at weightlifting.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Binigyan ng imbitasyon ang Philippines sa anim na events, ngunit nagdesisyon ang Philippine Olympic Committee (POC) na sumali lamang sa athletics, boxing, pencak silat, at taekwondo.

Pangungunahan ni Aries Toledo, decathlon gold medalist sa 2017 Southeast Asian Games sa Malaysia, ang 12-member athletics team na kinabibilangan din nina Janry Ubas, Mark Harry Diones, Marestella Sunang, Archand Christian Bagsit, Jomar Udtohan, William Galceran, Francis Medina, Clinton Kingsley Bautista, Ryan Bigyan, Michael Carlo del Prado, at Anfernee Lopena.

Sasabak naman sa pencak silat sina 2017 SEA Games gold winner Dines Dumaan (Tanding men’s 45 kg. to 50 kg.), 2016 Asian Beach Games silver medalist Princesslyn Enopia (Tanding women’s 45 kg. to 50 kg.), Yale Alanano, Alvin Campos, Glenn Gunan, Precious Jade Borre, Trisha Marie Leda, Alamohaidib Abad, Cherry May Regalado, at Alfau Jan Esmael Abad.

Lalaban naman sina Rio Olympian Kirstie Elaine Alora sa taekwondo kasama sina Jenar Torillos, Rhezie Aragon, Rheza Aragon, Keybert Lee Lumbania, Keno Athony Mendoza, Darlene Mae Arpon, Christian Al dela Cruz, at Baby Jessica Canabal.

Nakopo ni Alora ang bronze medal (73 kg.) sa 2010 Asiad sa Guangzhou at 2014 (Incheon), gayundin ang 2017 Asian Indoor and Martial Arts Games sa Ashgabat, Turmenistan.

Sasabak naman sa boxing sina Rogen Ladon, lightweight silver medalist sa 2015 Singapore SEA Games, Kit Ceron Garces, Ryan Boy Moreno, Sugar Rey Ocana, at Riza Pasuit.

Makakasama ng 37 atleta ang mga coach na sina George Noel Posadas, Sean Guevara at Rohsaan Eugene Griffin sa athletics, Alexis Martin Patano (Tanding) at Diosdado Cantomayor (Seni) ng pencak silat, John Paul Lizardo at Carlos Jose Padilla V ng taekwondo, at Elias Recaido Jr. at Romeo Brin ng boxing.