ni Clemen Bautista
SA giyera kontra droga ng Pangulong Rodrigo Duterte, ang Philippine National Police (PNP) ang naatasan na maglunsad ng kampanya na inilunsad naman ang OPLAN TOKHANG ni PNP Chief Director General Ronald de la Rosa. Makalipas ang ilang araw sa pagpapatupad ng giyera kontra droga ang Oplan Tokhang ay naging kasingkahulugan na ng kamatayan.
Ang dahilan, naging walang habas ang ginawang pagpatay sa mga pinaghihinalaan na mga drug user, pusher. Naghatid na ng matinding takot at pangamba sapagkat halos araw-araw ay sunud-sunod ang mga napapatay at tumitimbuwang na mga drug suspect. Sa loob ng bahay, mga karsada at iba pang lugar. Katwiran ng pulis, nanlaban daw kaya napatay. Karamihan sa mga napatay ay pawang naka-tsinelas. Mahihirap. Walang magawa ang mga magulang, kamag-anak ng mga tumimbuwang kundi ang manangis, sumigaw at humingi ng katarungan na sabunot lamang sa panot at suntok sa buwan.
Sa Oplan Tokhang, mabibilang sa daliri ng kamay ang napatay na narco-politician. Nagamit pa ang Oplan Tokhang ng ilang bugok na opisyal at tauhan ng PNP. Ang Oplan Tokhang ay naging Oplan Tokhang for Ransom. Malilimot pa ba ang nangyari sa isang negosyanteng Koreano na dinukot sa Angeles City, Pampanga. Nagbigay na ang misis ng Koreano ng P5 milyon, pinatay pa ang kaawaawang biktima. Sa loob pa ng Camp Crame pinatay. Pina-cremate ang bangkay ng Koreano at ang mga abo ay ipinalulon sa toilet bowl. Hanggang sa ngayon, hindi pa naparurusahan ang mga gagong pulis na sangkot sa pagdukot. Naghihintay pa rin ng katarungan ang pamilya ng biktima.
Dahil sa dami ng mga napatay, ang giyera kontra droga at Oplan Tokhang ay umani ng batikos sa mga nagpapahalaga sa buhay ng tao. Matindi ang batikos ng mga human rights advocate, ng mga militanteng grupo at ng mga Obispo at ng Simbahan. Maging ang mga human rights advocate sa ibang bansa ay binatikos din ang mga pagpatay. Ang pagtutol ay ginawa sa mga kilos-protesta. Hiniling na itigil ang patayan. Pinatunog ang mga kampana ng simbahan sa buong bansa tuwing alas 8:00 ng gabi upang ipagdasal ang mga napatay.
At nang mapatay ang tatlong lalaking teenage na umano ay mga drug suspect, lalong nagalit ang marami natin kababayan. Binatikos ang Oplan Tokhang at nagkaroon ng mga kilos-protesta at kinondena ang ginawang pagpatay sa tatlong teenager. At noong Oktubre 2017, inalis ng Pangulong Duterte sa PNP ang pamamahala sa drug war. Inilipat sa PDEA (Philippione Drug Enfircement Agency). Kahit kakaunti ang mga tauhan ng PDEA, ang inilunsad na drug operation ay hindi naging madugo. Maraming nadakip na mga drug suspect at marami rin ang nakumpiskang droga.
Nagulat ang marami nating kababayan nang mabalita na ang Oplan Tokhang ng PNP ay ibinalik noong Enero 29,2018. Sa pagbabalik ng Oplan Tokhang, marami rin ang kinabahan at natakot. Ang paniwala ng mga nagpapahalaga sa buhay ng tao, baka muling madugo ang ilulunsad na anti-illegal drug operation ng pulis. Ang takot, pangamba ay pinawi ng paliwanag ng PNP. May pagbabago na sa Oplan Tokhang. Sa araw na gagawin ang Oplan Tokhang. Mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5;00 ng hapon. Lunes hanggang Biyernes. May body camera na ang mga pulis na kasama sa operation. May mga kasama na ring media at mga opsiyal ng barangay.
Sa Eastern Police, ang mga police operative ay nagdala naman ng Rosaryo at Bibliya. May paniwalang hindi manlalaban ang mga drug suspect at susuko kapag nakita ang Rosaryo at Bibliya. Hindi naman maiwasan na matawa ang iba natin kababayan at napa-look na lang sa sky. May pabiro pang nagsabi at nagtanong na may prayer meeting kaya ang mga pulis sa bahay na kanilang kakatukin? Naluma raw ang ibang nagkursilyo na inuunan ang Bibliya sa pagtulog Reaksyon naman ni PNP Chief Director General Bato de la Rosa na walang masama sa pagdadala ng Rosaryo at Bibliya. Karapatan ng mga pulis sapagkat sila nama’y mga katoliko.
Sa pagbabalik ng Oplan Tokhang ng PNP ay may iba’t ibang reaksyon ang ating mga kabayanan lalo na ang mga may pagpapahalga sa buhay. Maging ang CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines) ay hiniling sa PNP na iwasan ang pag-aaksaya ng buhay ng tao sa pagdakip ng mga pulis sa mga drug suspect.
Sa bahagi ng pahayag na inisyu ni Cebu sa plenary assembly ng CBCP, hiniling ng Pangulo ng CBCP na si Archbishop Romulo Valles sa PNP na laging sundin ang batas sa pagtrato sa mga drug suspect. Ipinagdarasal ng mga Obispo na ang mga pulis ay sundin ang mga paraan sa pagpapatupad ng batas.
Marami ang naghahangad at nagdarasal na masunod sana ng mga pulis ang kahilingan ng mga Obispo. Marami rin ang naghihintay sa ibubunga ng binagong Oplan Tokhang ng PNP. Hindi na sana maulit na sa Oplan Tokhang ang naging kahulugan ng PNP sa iba natin kababayan ay PATAY NG PATAY.