Ni Bert de Guzman
SA muling paglulunsad ng Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP), may mga kanais-nais na pagbabago na tiyak na kakatigan ng taumbayan, kabilang ang kaparian (mga pari) o ang Catholic Bishops of the Philippines (CBCP) at marahil ay maging ng mga kritiko nito.
Sa pagkatok ng mga “Tokhangers” sa mga bahay ng mga pinaghihinalaang drug pushers at users, dala-dala nila ang Bibliya at rosaryo. Samakatwid, magandang pagbabago ito kumpara sa naunang Oplan Tokhang na kasunod ng pagkatok (o baka nga hindi man lang kumatok) ay pagputok ng baril dahil NANLABAN daw ang pushers at users.
Sa Eastern Metro Manila, ipinatutupad na ni Eastern Police District director Chief Supt. Reynaldo Ibay ang pagdadala ng Bibiliya at rosaryo ng “Tokhangers” sa kanilang operasyon. Naniniwala si Ibay na tiyak na magugulat ang suspected drug pushers at users kapag nakita nila ang Bibliya at rosaryo sa halip ng nakaumang na baril. Hindi na raw manlalaban ang mga tulak at adik kapag nakita ang mga ito, siguradong susuko at tahimik na sasama sa mga pulis.
Umaasa ang kaparian, este mga pari, at ang CBCP na hindi na magiging madugo ang bagong lunsad na Oplan Tokhang ni Gen. Bato. Anyway, ang paboritong pulis ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ay hanggang Abril 18 na lang sa puwesto matapos palawigin ni Mano Digong ang panunungkulan dahil meron pa raw dapat tapusing trabaho ang maskulado at may makinis na ulong Hepe ng PNP.
Naniniwala ang mga paring Katoliko na sayang ang bawat buhay na nawawala sa mundo nang dahil lamang sa Oplan Tokhang gayong puwede namang hindi basta barilin ang pushers at users na walang kalaban-laban sa matataas na kalibreng armas (high-powered firearms) ng mga pulis. Ang buhay, ayon sa CBCP at maging ni Cardinal Tagle, ay mahalaga sapagkat ang Diyos ang may kaloob nito. Imagine, sa milyun-milyong semilya na ipinunla ng lalaki sa sinapupunan ng babae, isang semilya lang ang nagtatagumpay na makalangoy at makapiling ang “itlog” (ovum) ng ginang.
Tama at angkop ang slogan ng Simbahang Katoliko: “Bawal ang pumatay.” Maging sa 10 Utos ng Diyos, kabilang din ang pagbabawal sa pagpatay ng kapwa. Hanggang ngayon ay naniniwala ako na 100% ng mga Pinoy ay kumporme sa adbokasiya at programa ni PRRD na sugpuin ang illegal drugs sa Pinas, linisin ang mga kalye at suluk-sulok na lugar ng drug pushers at users. Pero, please naman Mr. President and Gen. Bato, iwasan ang extrajudicial killings, huwag basta babarilin ang tulak at adik lalo na kung hindi naman nanlalaban at sumusuko na. Ang hantingin ninyo ay drug lords, drug smugglers at drug suppliers na nagkakalat ng mga droga sa mga tulak at adik.
Sa pagdinig sa Senado, muling nagkainitan sina Sen. Richardo Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon committee, at ex-BoC Commissioner Nicanor Faeldon hinggil sa isyu ng kurapsiyon at smuggling sa ahensiya. Matapang at painsulto kung sumagot si Faeldon sa mga pagtatanong ni Gordon. Bakit kaya ganito ang attitude ni Faeldon? Parang hindi natatakot sa mga senador. Sabi ng kaibigan ko: “Siguro dahil ang back-up niya ay ang presidente na humirang pa sa kanya sa Office of Civil Defense matapos sibakin sa BoC.” Baka nga.