Ni Martin A. Sadongdong at Fer Taboy

Isa pang high-ranking communist leader ang muling naaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa Ozamiz City, Misamis Occidental, kinumpirma kahapon ng Police Regional Office (PRO)-10.

Sinabi ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng PRO-10, na Lunes ng umaga nang naaresto ng mga tauhan ng Ozamiz City Police at 10th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army si Rommel Dorango Salinas, 45, secretary ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Dinakip si Salinas sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong frustrated murder at destructive arson, sa Bernard Subdivision, City Hall Drive sa Barangay Aguada sa siyudad, dakong 11:00 ng umaga.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Gonda, dumadalo sa paglilitis ng ibang kaso si Salinas nang isilbi sa kanya ang arrest warrant.

“Naka-detain na siya noong nag-hearing siya kahapon sa previous case niya last year. After the hearing, saka na-serve ‘yong warrant of arrest,” ani Gonda.

Nabatid na unang nadakip si Salinas ng awtoridad sa isang checkpoint sa Bgy. Gango, Ozamiz City noong Mayo 2017, sa bisa ng limang warrants of arrest.

Bukod sa frustrated murder at destructive arson, nahaharap din si Salinas sa kasong murder, attempted murder, at robbery in band.

Dinala na si Salinas sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Bgy. Tinago, Ozamiz City.

Una nang naaresto nitong Miyerkules sa Quezon City sa pagdadala umano ng baril at granada sina National Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultant Rafael Baylosis, at umano’y New People’s Army (NPA) member na si Guillermo Roque.

Kaugnay nito, itinanggi ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa na ginigipit ng PNP ang mga pansamantalang pinalayang NDF consultants na muling ipinaaaresto ni Pangulong Duterte.

Sinabi ni Dela Rosa na bagamat walang outstanding warrant sina Baylosis at Roque ay lumabag, aniya, ang mga ito sa batas sa ilegal na pagdadala ng baril matapos ang surveillance.