Ni Ric Valmonte
IGINIGIIT ng Malacañang na tanging temporary restraining order (TRO) lamang ang makapipigil sa suspensiyon kay Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang. Ito ang reaksiyon ni Presidential Spokesman Harry Roque, at minaliit ang naglabasang haka-haka na magkakaroon ng “standstill” bunsod ng pagsuspinde ni Pangulong Duterte kay Carandang.
Binanggit ni Roque na “nanindigan ang pangulo na ipatupad ang batas” laban kay Carandang. Tumanggi si Ombudsman Morales na ipatupad ang suspension order, at iginiit na labag ito sa Saligang Batas at nakasisira pa umano sa pagiging independent ng Office of the Ombudsman.
Binalaan naman ni Presidential Chief Legal Counsel (CPLC) Salvador Panelo si Morales na maaaring maharap sa reklamong impeachment kung hindi nito ipatutupad ang suspensiyon. Aniya, kung mapatutunayang malisyoso ang nasabing statement mula kay Morales ay posibleng maikonsidera itong betrayal of public trust, na isang impeachable offense.
Mali itong sina Roque at Panelo. Kaya, matibay ang batayan ng suporta ni Sen. Antonio Trillanes kay Morales na labanan at huwag ipatupad ang suspensiyon kay Carandang. Sinusunod lamang naman ni Morales ang batas, tulad ng tinuran ni Sen. Francis Pangilinan.
Kasi, sa naunang kaso ni Deputy Ombudsman for the Military Emilio Gonzales laban sa Office of the President na nagtanggal sa kanya sa puwesto, sinabi ng Korte Suprema na ilegal ang ginawa ng Office of the President dahil ito ay walang hurisdiksyon sa Office of the Ombudsman. Unconstitutional daw ang Ombudsman Law na ibinibigay sa Pangulo ang kapangyarihang magdisiplina ng deputies ng Ombudsman dahil labag ito sa isinasaad ng Saligang Batas na gumagarantiya sa kalayaan ng Office of the Ombudsman na gumanap sa tungkulin bilang “protector of the people.”
Mali sina Roque at Panelo dahil ito ang batas. Ayon sa Civil Code of the Philippines, lahat ng desisyon ng Korte Suprema ay bahagi ng batas ng bansa. Kaya, hanggang ito ay hindi binabago ng Korte Suprema, mananatili itong batas na dapat ipairal ng Pangulo bilang bahagi ng sinumpaang tungkulin.
Baligtad iyong gustong mangyari ni Roque na hanggang walang TRO, batas na dapat sundin ang iniatas ng Pangulo na pagsuspinde kay Carandang.
Bakit hindi kayo, Roque at Panelo, ang magtungo sa Korte Suprema at magsampa ng injunction with preliminary mandatory injunction para obligahin si Morales na sundin ang suspension order laban kay Carandang? Dito masusubok ang lakas ng Pangulo sa Korte Suprema at kung paano boboto ang mga mahistradong itinalaga na niya.
Sa unang kaso, nanalo sa botong 8-7 si Gonzales laban sa Office of the President. Madali na itong mabaligtad kung batas ng utang na loob ang mananaig sa mga nahirang ng Pangulo sa Korte Suprema.