Ni Celo Lagmay

SA pag-arangkada ng bagong-bihis na Oplan Tokhang, muling nalantad ang hindi mapasusubaling katotohanan: Walang humpay sa pamamayagpag ang mga users, pushers at mga drug lords sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Kamakalawa lamang, halimbawa, may mga hinihinalang mga sugapa sa bawal na droga ang napatay ng ating mga alagad ng batas; mga users ang sinasabing naunang nagpaputok sa mga pulis.

Sa muling pagpapaigting ng Oplan Tokhang, na nauna nang iniutos ni Pangulong Duterte, magpapatupad ng mga bagong guidelines o panuntunan ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP), National Police Commission (Napolcom) at iba pang ahensiya ng gobyerno. Naunang inihayag na ang naturang guidelines ay nagtatakda ng oras - mula umaga hanggang hapon- ang operasyon ng Tokhang. Tila walang pinag-iba ito sa pagpasok ng mga kawani ng pamahalaan at ng pribadong sektor sa kani-kanilang mga tanggapan.

Wala akong makitang lohika sa nabanggit na panuntunan. Tulad ng lagi nating ipinahihiwatig, ang hinihinalang mga users, pushers at iba pang lulong sa bawal na gamot ay walang pinipiling oras. Katunayan, tila higit nilang pinipili ang katahimikan ng gabi sa paghithit ng shabu at iba pang ipinagbabawal na droga sa kanilang mga drug den.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Maging ang pagluluto ng shabu sa mga drug laboratory ay sinasabing nagaganap sa tinatawag na unholy hour upang makubli ang operasyon ng mga drug manufacturers. At wala ring pinipiling lugar ang gayong operasyon. Hindi ba nadiskubre kamakailan na maging ang nakadaong na barko, pati ang naglalayag sa karagatan, ay nagiging laboratoryo ng mga bawal na gamot?

Sa paglulunsad ng mas maigting na Tokhang, mistulang hinikayat ng pamunuan ng PNP ang ating mga kapatid na mamamahayag na sumama sa operasyon ng mga alagad ng batas laban sa droga. Kabilang dito ang mismong mga tauhan ng Commission on human Rights (CHR), pati ang mga grupong pangrelihiyon. Makabuluhan ang ganitong hakbang upang personal na subaybayan ang sistema ng naturang operasyon -- kung ang mga ito ay nasa ayos at tumatalima sa guidelines at sa mga batas. Dangan nga lamang at masyadong mabagsik ang sinasabing mga kasangkot sa droga; hindi malayo na maging collateral damage pa ang mga kasama sa drug operation o Tokhang.

Ang higit na mahalaga ngayon ay makatao, makatarungan at matapat na pagtupad ng mga alagad ng batas sa paglipol ng droga. Naniniwala ako na ang ganitong angkop na pagpapaigting ng Tokhang ay magagawa ng mga pulis, sundalo at iba pa -- lalo na ngayong dinoble na ang kanilang mga suweldo. Kaakibat nito, hindi tayo dapat mag-atubili na isuplong sa mga awtoridad ang anumang kapabayaan at pagsasamantala ng tinatawag na men in uniforms.