Ni Clemen Bautista
SA alin mang samahan o organisasyon, pampubliko man ito o pribado tulad ng mga samahang sibiko, religious organization, pelikula, pangkultura, pansining, sports at iba pa, ay bahagi na ang pagkakaloob ng pagkilala o recognition at ng award o parangal sa mga kababayan natin na nagtagumpay sa kanilang napiling mga propesyon at natatanging accomplishment o nagawa sa iba’t ibang larangan, na malaki ang naitulong hindi lamang sa ating bayan, kundi maging sa mga mamamayan.
Sa pagpili ng bibigyang-pagkilala at parangal, ang samahan ay bumubuo ng lupon mula sa mga miyembro ng samahan na gagawa ng mga pag-aaral, pagsasaliksik at pagsususri sa mga nagawa ng mga bibigyan ng pagkilala at parangal. Ang isa sa pangunahing layunin ay matiyak na marapat at angkop ang pagbibigay ng pagkilala sa mga awardee. Ang samahan at ang mga bumubuo ng komite sa pagbibigay ng award ay nagtatakda ng standard o mga pamantayan sa pagkakaloob ng parangal.
Kung minsan, hindi rin maiwasan na sa pagkakaloob ng parangal ay marami ang hindi makapaniwala. Mahigpit ang pagtutol. Binabatikos ang nagbigay ng award gayundin ang awardee.
Mababanggit na isang halimbawa ang nangyari sa pagkakaloob ng award ng University of Santo Tomas Alumni Association Inc.(USTAAI) kay Presidential Commucation Office (PCOO)Assistant Secretary Mocha Uson. Ang tinanggap na parangal ay Gawad Thomasian Alumni Award for Government Service. Ayon sa Pangulo ng USTAAI, ang batayan sa pagkakaloob ng award kay Mocha Uson ay graduate o nagtapos ito sa UST.
Matapos ang awarding, marami ang umalma o tumutol. Ang award kay Uson ay hindi matanggap ng mga samahan at mag-aaral sa UST. Kinondena ng UST Central Student Council ang USTAAI at sinabing si Uson ay kilala sa pagiging blogger na binabatikos nang personal ang kanyang mga kritiko at mga kritikong bumabatikos sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Binabatikos din niya ang mga estudyante at mga miyembro ng media.
May mga mag-aaral din sa UST na nagsabing hindi dapat bigyan ng award si Mocha Uson sapagkat “Reyna ng kasinungalimngan at pekeng balita”. Maging sa social media ay hindi nakaligtas si Uson sa mga netizen. Ang pagbibigay ng award kay Mocha Uson ay nakahihiya at nakaiinis. May mga mag-aaral din sa UST na nagkilos-protesta. Sa mga hawak na plakard, binatikos ang pagbibigay ng award kay Uson. Hiniling naman ng mga mga estudyante ng Arts and Letter na bawiin ng USTAAI ang award na ibinigay kay Mocha Uson. May nagsabi pa na ang core value ng unibersidad ay wala sa pagkatao ni Uson.
Sa kabila ng mga pagtutol at batikos kay PCOO Assistant Secretary Mocha Uson, hindi siya nasiraan ng loob. Sa social media, sinagot at binatikos din niya ang lahat ng mga kritiko at mga bumabatikos sa kanya. Ngunit nagbunga lamang ito na lalong dumami ang kontra sa pagbibigay ng award kay Uson. Iisa ang kanilang paniwala. Hindi karapatdapat sa award si Mocha Uson.
Ang mga matinding batikos at pagtutol sa pagkakaloob ng award kay Mocha Uson ay nagbunga at humantong sa pagsasauli ni Uson ng kanyang award sa USTAAI at sa pagre-resign o pagbibitiw sa tungkulin ng Pangulo USTAAI. May mga awardee rin na nagsauli ng kanilang award.