ni Clemen Bautista
NANG ilunsad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang giyera kontra droga noong Hulyo 1, 2016, ang Philippine National Police (PNP) ang naatasan sa pagpapatupad ng anti-drug operation. Sa pangnguna ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” de la Rosa ay ipinatupad naman ang OPLAN TOKHANG (katok sa pinto ng bahay ng drug suspect at pakiusap na sumuko). Sa nasabing anti-drug police operation, nangamba, natakot at nanindig ang balahibo ng ating mga kababayan lalo na ang mga drug suspect. Ang dahilan: ang OPLAN TOKHANG ay naging kasingkahulugan na ng kamatayan ng mga drug suspect. Sunud-sunod na ang mga napatay at tumimbuwang. Sa loob ng bahay, sa karsada, sa tabing-ilog at iba pang lugar sa mga bayan, mga barangay at lungsod sa iniibig nating Pilipinas.
Sa loob ng isang taon, ang Oplan Tokhang, ayon sa PNP ay nakapagtala ng mga napatay na drug suspect na umaabot sa mahigit na 4,000 sa mga police operation. May 13,000 naman ang naitalang napatay sa iba’t ibang operation kasama na rito ang mga operation ng mga vigilantes at iba pang grupo na galit sa droga.
Sa anti-drug police operation, may mga gabi at araw na ang mga police operative ay tila nagkaroon pa ng paligsahan sa dami ng mga napatay at naitumbang drug suspect. Hindi na malilimot ang 32 drug suspect na napatay at tumimbuwang sa Bulacan. Ang 25 napatay sa Maynila. Sinundan ng 22 tumimbuwang sa Caloocan City. Paliwanag ng tambolero ng PNP, normal lamang na nangyayari sa mga police operation. Makalipas ang ilang buwan, upang palakasin pa ang kampanya kontra droga, ang Oplan Tokhang ng PNP ay tinawag na Oplan Tokhang Double Barrel.
Umani ng batikos ang giyera kontra droga mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan kabilang ang Simbahan, mga Obispo, human rights advocate at iba pang nagpapahalaga sa buhay ng tao. At nang mapatay ang tatlong teenager na suspect umano sa droga, lalong nabatikos ang Oplan Tokhang. Nagalit ang marami nating kababayan Naging mitsa ng kilos-protesta ng militanteng grupo.Nag-rally sa EDSA People Power monument. Sa hawak na mga plakard, madidilat ang nakasulat na panawagan. KABUHAYAN, HINDI PATAYAN! STOP THE KILLINGS! Sa mga simbahan sa buong bansa, pinatunog ang kampana tuwing alas 8:00 ng gabi upang ipagdasal ang mga napatay.
Maging sa Pastoral Letter ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, sinabi niya na hindi makatao at hindi maka-Kristiyano ang pagpatay. Hindi natin hahayaan ang pagkawala ng mga buhay.Ang pamamahala ay hindi nagagawa sa pamamagitan ng mga pagpatay.
Sa mga batikos sa giyera kontra droga, ang sagot ng Pangulong Duterte ay ang kanyang pagmumura sa mga bumabatikos. Hanggang siya ang Pangulo ng Pilipinas ay hindi ititigil ang giyera kontra droga. Look na lang sa sky ang mga nakarinig sa sagot ng Pangulo.
Marami naman ang nagulat nang alisin ng Pangulong Duterte sa PNP ang pagpapatupad ng anti-drug operation at inilipat ito sa PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency). Sa kabila ng kakaunti ang mga tauhan ng PDEA, hindi naging madugo ang kanilang operation. Maraming drug suspect ang nadakip, maraming nakumpiskang droga at mga sumukong drug suspect.
Ngayong Lunes, ika-29 ng Enero, ibabalik ang Oplan Tokhang ng PNP. Sa giyera kontra droga. Ayon sa tambolero ng PNP, naiiba ito sa dating Oplan Tokhang. Ang anti-drug police operation ay mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon. Ang mga police operative ay may body camera na. Hindi maaaring alisin o burahin ang nakunan ng body camera. At sa police operation kung gabi, ayon sa memorandum ni PDEA chief Aaron Aquino, may kasamang mga taga-media bilang mga saksi. Naka-bulletproof vest, ballistic helmet at iba pang protective gear. Ang kanilang kaligtasan at seguridad ay tinitiyak ng ground commander.
May iba’t ibang reaksiyon sa pagbabalik ng Oplan Tokhang ng PNP. May nagsasabing mga Rizelenyo na Oplan Tokhang ng PNP ay nakatatak na sa isip ng marami nating kababayan lalo na sa mga nagpapahalaga sa buhay ng tao na kamatayan ang kasingkahulugan ng Oplang Tokhang. Kahit sa sabihin na naiiba ito sa dating Oplan Tokhang, takot at pangamba pa rin ang hatid nito sa mga mamamayan lalo na sa mga sangkot sa droga Natatakot na sa police operation ay may mga pulis pa rin na utak-pulbura.
Ayon naman kay Davao Archbishop Romulo Valles na bagong Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ang mga police operative sa Oplan Tokhang ay dapat sundin ang mga tamang patakaran/paraan sa pakikitungo sa mga drug suspect upang maiwasan ang pagdanak ng dugo.
Tanong naman ng mga concerned citizen, masunod kaya ang bagong sistema sa Oplan Tokhang ng PNP? Hindi na kaya magiging madugo na araw-araw ay nagbibilang ng mga napatay at ng naitumbang drug suspect?