Nina ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN at JUN FABON

Isang araw bago ang pagbabalik ng ‘Oplan Tokhang’, dalawa umanong drug personalities ang napatay sa buy-bust operation na nauwi sa shootout sa Quezon City kahapon.

Kinilala ng mga imbestigador ng Quezon City Police District ang mga napatay na sina alyas Abis at Jomjom, na kapwa tinatayang nasa edad 30.

Lumalabas na nagsagawa ng pre-operations ang anti-illegal drug operatives at nakumpirma na ang dalawa, at ang kanilang mga kasabwat, ay sangkot sa illegal drug trade.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dahil dito, nagsagawa ng drug sting operations ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Batasan Police Station, laban sa mga suspek sa panulukan ng Bulacan at Payatas Streets sa Barangay Payatas, Quezon City, dakong 3:00 ng madaling araw kahapon.

Isang poseur-buyer ang nakipagkita kay “Abis,” na nakasuot ng itim na shirt, gray short pants, at puting rubber shoes, at kay “Jomjom,” na nakasuot ng gray shirt, itim na pantalon, at gray rubber shoes.

Sa pagbili ng P1,000 halaga ng ilegal na droga, nilapitan ng stand-by police officers ang dalawa na nakaramdam na pulis ang kanilang katransaksiyon.

Isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at binaril ang awtoridad at tinamaan si PO1 Leo Andres nang dalawang beses sa dibdib at masuwerteng nakaligtas sa suot na bulletproof vest.

Nagmamadaling sumakay ang mga suspek sa itim na motorsiklo at humarurot pa-Payatas Road at patungong Montalban, Rizal.

Samantala, tinangkang pigilan ng follow-up operatives, na nagsasagawa ng anti-criminality campaign sa lugar, ang motorsiklo ng mga suspek nang matanggap ang radio command.

Gayunman, sa halip na sumuko, binalewala ng dalawa ang mga pulis at pinaputukan ang mga ito, na nauwi sa habulan at shootout.

Natapos ang habulan nang maitumba ng mga pulis ang mga suspek sa tapat ng Manahan Subdivision, Group 5, sa Bgy. Payatas B.

Nakuha mula sa mga suspek ang siyam na pakete ng umano’y shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P90,000; pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana, isang caliber .38 revolver, isang 9mm pistol, dalawang cell phone, ang kanilang motorsiklo, at buy-bust money.