Ni Dave M. Veridiano, E.E.

ANG isang malaking butas sa kadalasang kapalpakan ng mga operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan ay ang kahinaan at kawalang kasanayan ng mga grupo ng intelligence operative sa pagkuha at pag-analisa ng mga mahalagang impormasyon ng mga kasong iniimbestigahan.

Kadalasan nang umaasa na lamang ang mga tiktik na pulis at maging ang mga imbestigador sa mga WALK IN na impormante upang malutas ang hawak nilang mga kaso. At upang maengganyo ang mga impormante ay naglalapat din sila ng karampatang malaking halaga sa impormasyong makukuha.

Ito ang naging sama-sama naming pananaw ng mga nakahuntahan kong mga batikan at retiradong tiktik sa pulis at militar na naging mga kaibigan ko noong ako ay aktibo pang police reporter na mahilig bumuntot at magsasama sa mga operasyon ng pulis.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Epektibo namang talaga ang mga WALK IN at pagbibigay ng REWARD sa pagkuha ng “intel information”. Ang masama ay ang tuluyan na itong asahan at isantabi na lamang ang makasayantipikong pamamaraan ng pagkuha ng impormasyon sa paglutas ng mga kaso, lalo na ng malaki at sensational na mga krimen.

Napag-usapan namin ito nang purihin ng isang matikas na dating operatiba ng PNP-Intelligence Group (IG) ang pagkakahuli kay TAHA MOHAMED AL-JABOURI, 64, hinihinalang teroristang eksperto sa paggawa ng bomba na nagtatago sa Barangay Malabanias, Angeles City, Pampanga. Nadale ang teroristang Iraqui sa bagong sistema ng pakikipag-ugnayan ng mga barangay sa buong bansa sa intelligence group ng PNP na tinaguriang Barangay Information Network (BIN).

Sa bagong sistemang ito ay agad na inirereport ng isang barangay sa mga pulis ang sinumang bagong mukha sa kanilang lugar, lalo pa’t ito ay isang banyagang taga-gitnang Silangan…Ang impormasyon ay pinoproseso at kapag nakakuha ng “match” sa listahan ng mga wanted na terorista o kriminal sa Data Base ng intelligence information ng PNP ay agad na “iniimbitahan” ang suspek para imbestigahan.

Sa puntong ito naglabasan ang mga komento ng mga beteranong imbestigador sa mga pamamaraang gamit ng mga operatiba sa ngayon sa kanilang pag-iimbestiga.

Sabi pa nga ng isang nirerespeto kong retiradong imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang premier investigating arm ng PNP, sa dami ng mga GADGET – laptop, cellphone, GPS, surveillance equipment, GPS, bugging at entercepting device -- na naglabasan sa merkado at mabibili sa napakamurang halaga pa, ay mas madali ang pag-iimbestiga ngayon at mas makasayantipiko pa.

Ngunit sa halip na sumulong ang sistema ng pag-iimbestiga ay paurong pa ito sa ngayon. Mabibilang lamang umano sa daliri ang pulis na may alam sa kanilang tina-trabaho. Kadalasan ang mga pulis na tinatawag nilang TSAMA ay sa “after operation report” lang kasama at ‘di sa mismong trabaho...Ang SIPAG, TIYAGA at DEDIKASYON sa trabaho ang kapansin-pansing tila nawawala sa bagong henerasyon ng mga alagad ng batas sa ngayon.

Ang karamihan umano sa mga operatiba sa ngayon ay mas pinipiling makasama sa mga grupong ang tinatrabaho ay ang may kaugnayan lamang sa mga kaso ng R.A. 1602 na mas kilala bilang Anti-Gambling Law. Kasunod ng komento nilang ito ay ang malakas na tawanan habang nakatingin ang lahat sa akin…Patay-malisya lamang ako sa ibig nilang sabihin!

Nang matapos ang aming balitaktakan at maghiwa-hiwalay na kami ay hindi pa rin malinaw kung ano ang pinag-uugatan ng problema – ang nabuo lamang sa aking isipan ay may dapat na baguhin sa sistema ng RECRUITMENT, paglalagay sa puwesto ng mga TIWALING OPISYAL, patuloy na TRAINING, pagpapatupad sa ipinangakong dagdag SUWELDO, at ang pinakamahalaga sa lahat - MORAL VALUES reorientation ng mga pulis.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]