Ni Ric Valmonte
GINAWARAN kamakailan ng University of Santo Thomas Alumni Association Inc. (USTAAI) si Presidential Communication Office Assistant Security Mocha Uson ng karangalang Gawad Thomasian Alumni Award for Government Service. Matinding binatikos ang ginawang ito ng USTAAI ng mga kaeskwela mismo ni Asec. Uson. Ayon sa UST Student Council, tumututol ito, hindi dahil sa kanyang pagsasayaw ng sexy kundi dahil sa paggamit niya ng blog upang ipagtanggol si Pangulong Duterte at atakihin ang mga kritiko nito.
“Kilala si Uson sa paggamit ng mga tagasunod sa pagsisimula ng personal na ataki laban sa kanyang mga kritiko at gobyerno, kabilang na rito ang mga mag-aaral at miyembro ng media, sa ngalan ng huwad na nasyonalismo at kalayaan sa pamamahayag,” pahayag ng gobyerno ng mga estudyante sa UST. “Kinokondena namin lahat ng uri ng maling impormasyong ibinibigay ng mga indibidwal, kasama na siya rito,” sabi naman ng UST Student Council for Arts and Letters. Pahayag naman ng UST Journalism Society: “Si Uson, na ginagamit ang kanyang blog, ay naglulubid ng di-wastong impormasyon, inaalipusta ang mga kritiko ng administrasyong Duterte at sinisiraan ang mga media practitioners na gumaganap ng kanilang papel bilang malayang monitor ng kapangyarihan, na hindi kumakatawan ng Thomasian core of values, competence at commitment.”
“Ang gawad ay karangalan para kay Uson,” sagot naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque. Maligaya, aniya, kami para sa kanya at ito ay nagpapatunay na ang pagkakahirang niya ay may magandang dahilan. Kailangang idepensa ng Malacañang si Uson. Pero, ipinaubaya ni Roque kay Uson ang pagsagot sa mga galit sa social media dulot ng parangal sa kanya. “Nangangahulugan na may malayang pamamahayag sa Pilipinas,” sagot ni Uson sa kanyang mga basher.
Pinakipot ng parangal kay Asec. Uson ang eksena ng labanan sa pagitan ng administrasyong Duterte at taumbayan. Dinala ng mamamayan ang larangan ng pakikipaglaban sa kasalukuyang administrasyon sa UST. Si Uson ay hindi si Uson lang sa isyung ito kundi siya ang administrasyong Duterte. Ang pananaw ni Uson sa kalayaan sa pamamahayag ay iyong nailalabas ng mga tutol sa pagpaparangal sa kanya, mga kaeskwela at basher niya sa social media, ang kanilang mga saloobin.
Pero, ginagamit ng mga ito ang kanilang kalayaan sa pamamahayag sa pagtuligsa sa kanya sa hindi wastong paggamit niya ng kanyang nasabing kalayaan: nagkakalat ng maling impormasyon, sinisiraan ang mga media practitioner at inaatakeng personal ang mga kritiko ni Pangulong Duterte.
Sa akin, hindi ito isyu. Ang mahalaga ay wala sanang mapipikon. Kung gaano sana kaluwag na tinanggap ni Uson ang batikos sa kanya, ganoon din kaluwag na tinatanggap ng kanyang administrasyon ang batikos laban dito. Ginagamit na nga ni Uson ang gobyerno para magkalat ng maling impormasyon, naninira at inatakeng personal ang kritiko ng kanyang administrasyon, bakit naman gigipitin mo ang mga taong ginagamit ang kanilang kalayaang mamahayag upang ituwid ang maling impormasyon at ipaalam sa taumbayan ang nakikita nilang kabilang sa panig ng sinasabi ni Uson. Tingnan ninyo ang ginawa ng administrasyon sa Rappler, ang online news organization.
Kinansela kaagad ng Securities and Exchange Commission ang Certificate of Registration nito at ipinasara dahil sa umano ay pagiging dummy nito ng dayuhan gayong walang pagdinig na naganap para naipaliwanag ang kanyang panig. Inimbestigahan ng NBI ang mga pinuno ng Rappler dahil umano sa paglabag ng Anti-Dummy Law at sa salang libel. Mahirap distansiyahan ng Pangulo ang ginagawa laban sa Rappler dahil noon pa man, sa kanyang State of the Nation Address ay inakusahan na niya ito na instrumento ng Amerikano at CIA. Mahirap pahintulutan ito ng taumbayan na nagmamahal sa demokrasya. Hindi na baleng walang gobyerno kaysa walang kalayaan sa pamamahayag ang mamamayan. Kumurap si Uson at isinauli ang gawad sa kanya. Nagresign ang pangulo ng USTAAI na nagbigay nito.