Ni Gilbert Espeña

NAKATAKDANG idepensa ni Grandmaster-elect Ronald Titong Dableo ang hawak na titulo sa pagtulak ng 4th Red Kings Chess Individual Tournament sa Enero 28 na gaganapin sa Tiendesitas Mall, Ortigas Avenue, Pasig City.

Inaasahang magiging mahigpit na makakalaban sa titulo ni Dableo ang kanyang kasamahan sa Philippine Army Chess Team na si GM Darwin Laylo.

Ayon kay tournament organizer Fide Master “Elo” Mariano III, ang mga lalahok ay maglalaro sa seven-round Swiss System format tournament na ipatutupad ang twenty minutes plus three seconds time delay mode sa ilalim ng National Chess Federation of the Philippines.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang mga manlalaro ay magtutuos sa Open section at Under-12 kiddies categories. Ang magkakampeon sa Open section ay tatangap ng P5,000 plus trophy habang ang second at third placers ay tatanggap ng P3,000 at P2,000, plus trophies, ayon sa pagkakasunod.

May P1,000 naman para sa fourth hanggang fifth placers, habang tig-P500 naman sa 6th hanggang 10th placers.

May special prizes din na nakalaan na tig-P500 sa magwawagi bilang top College, top 2100, top 2000, top 14-years-old and below at top females sa nasabing event.