Ni Alexandria Dennise San Juan at Bella Gamotea

Sa kabila ng pagtiyak na hindi maaapektuhan ang mga pasahero, mag-aalok ngayon ang gobyerno ng libreng sakay at magpapakalat ng mga bus sa Metro Manila sa malawakang protesta na idaraos ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) ngayong Miyerkules.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Member Atty. Aileen Lizada, aabot sa 38 government vehicles na mag-aalok ng libreng sakay, at 20 bus na maniningil ng P10 para sa non-airconditioned, at P12 para sa airconditioned, ang ipakakalat ngayon sa pitong pangunahing kalsada sa Metro Manila.

Sinabi ni Lizada, na nakikipag-ugnayan kay Transportation Undersecretary Tim Orbos para sa Joint Quick Response Team (JQRT) on Transportation and Disaster, na ia-activate ngayong umaga ang JQRT upang alalayan ang mga pasaherong posibleng ma-stranded dahil sa protesta ng PISTON.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ang JQRT ay binubuo ng LTFRB, Armed Forces of the Philippines, Department of Transportation, Philippine Coast Guard, Department of Public Works and Highways, Office of Transport Security, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Noong nakaraang linggo, sinabi ni PISTON President George San Mateo na magsasagawa sila ng demonstrasyon sa harap ng mga tanggapan ng LTFRB sa buong bansa upang iprotesta ang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” campaign ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT), na bahagi ng public utility vehicle modernization program ng pamahalaan.

Kahapon, nag-alok na rin ang MMDA at I-ACT ng libreng sakay sa mga pasaherong naapektuhan sa pagpapatupad ng nasabing kampanya sa Nepomuceno at Arlegui Streets sa Maynila.