Ni Rommel P. Tabbad at Genalyn D. Kabiling
Kinasuhan ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang alkalde sa Danao City, Cebu na second cousin ni Pangulong Duterte dahil sa kabiguan umanong ibalik sa trabaho ang mga sinibak na manggagawa ng siyudad noong 2014.
Sa complaint affidavit na isinampa ng Office of the Ombudsman, binanggit na sinuway ni Danao City Mayor Ramonito Duterte Durano III ang nabanggit n autos ng Civil Service Commission (CSC) na may petsang Agosto 14, 2014.
Partikular na nilabag ni Durano ang Section 67, Book V ng Executive Order No. 292 (may kaugnayan sa Section 121) ng Revised Rules sa Administrative Cases sa Civil Service.
Ayon sa Ombudsman, hindi sinunod ni Durano ang kautusan na ibalik sa trabaho ang mga tinanggal na empleyado at bayaran ang backwages, leave credits, at ipagkaloob ang iba pang benepisyo ng mga ito.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang pagsasampa ng kaso laban sa kaanak ng Pangulo ay patunay na walang sinisino sa pagpapatupad ng batas sa bansa.
“[It's] proof that the President doesn't care even if you're a relative, you have breached the law, you will be prosecuted and tried for your acts,” sinabi ni Roque sa news conference sa Malacañang kahapon.