Libu-libong deboto ng Sto. Niño de Tondo ang nakisaya sa prusisyon para sa kapistahan ng santo sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Ayon sa pamunuan ng Manila Police District (MPD), naging mapayapa ang kabuuan ng prusisyon, na sinimulan ganap na 4:00 ng umaga.
Kasama sa mga ipinarada ang imahe ng Sto. Niño at ang imahe ng Birheng Maria at ng San Jose, gayundin ang libu-libong replica ng Sto. Niño na nakasakay sa mga tricycle at pedicab.
Todo-bantay naman ang mga tauhan ng MPD sa karosa ng Sto. Niño de Tondo, gayundin sa mga dinaanan ng prusisyon.
Bagamat hindi kasing-dami ng mga deboto ng Mahal na Poong Nazareno ang sumasama sa prusisyon ng Sto. Niño, libu-libong deboto rin ang nag-aabang at lumalahok sa naturang okasyon. - Mary Ann Santiago