Ni Vanne Elaine Terrazola at Beth Camia

Nanawagan ang mga miyembro ng Senate minority bloc na imbestigahan ang kontrobersiyal na pagbili ng Department of National Defense (DND) sa dalawang Philippine navy warship, na isinasangkot ang pangalan ni Presidential Special Assistant Christopher “Bong” Go.

Inihain nina Senators Franklin Drilon, Francis Pangilinan, Bam Aquino, Leila de Lima, Riza Hontiveros at Antonio Trillanes IV ang Senate Resolution 584 na humihiling ng imbestigasyon sa kalagayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program, partikular ang pagbili ng dalawang Navy frigates na nagkakahalaga ng P16 bilyon.

Anila, layunin ng resolusyon na malaman kung ang pagbili sa mga warship “promotes the goals of the modernization program and complies with pertinent laws.” 

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Samantala, naniniwala ang Malacañang na malilinis ni Go ang kanyang pangalan sa isyu.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, iginagalang ng Malacañang ang karapatan ng Senado, bilang co-equal branch ng gobyerno, na magsagawa ng imbestigasyon sa anumang kontrobersiya sa pamahalaan.

Ayon kay Roque, malalaman din sa imbestigasyon ng Senado kung may problema ang kontrata na pinasok ng Aquino administration sa pagbili ng barko ng Philippine Navy at ini-award lamang ng Duterte administration.

Una nang inihayag ni Go na kung mapatutunayang nanghimasok siya sa nasabing kontrata ay magbibitiw siya sa kanyang tungkulin.