Nina AARON B. RECUENCO at ROMMEL P. TABBAD

LEGAZPI CITY – Matatagalan pa ang paghihirap ng libu-libong evacuees sa lungsod na ito sa Albay na nakatuloy ngayon sa mga silid-aralan at iba pang temporary shelter makaraang ihayag kahapon ng mga volcanologist na posibleng tumagal ng hanggang tatlong buwan ang pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

At posibleng lumampas pa ito sa tatlong buwan, depende sa mga aktibidad ng bulkan sa susunod na mga linggo, ayon kay Undersecretary Renato Solidum, hepe ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Gayunman, ang magandang balita ay wala aniyang indikasyon na mauuwi sa matinding pagsabog ang kasalukuyang pag-aalburoto ng Mayon, batay na rin sa tuluy-tuloy na monitoring ng mga volcano expert.

Pagbebenta ng ₱20/kilo ng bigas para sa mga senior, PWD, solo parents, sisimulan sa Mayo 2

“The current activity can be described as continued lava eruption or non-explosive lava eruption,” sinabi ni Solidum sa press briefing dito.

Tinukoy niya ang patuloy na pag-agos ng nagbabagang lava palabas sa bunganga ng bulkan.

“The current condition, with our monitoring of earthquake and gas ground deformation so far indicates no measurable change up to the present, so we will maintain it at Alert Level Number 3,” ani Solidum.

Kapag nasa Alert Level 3, nangangahulugang tuluy-tuloy ang pag-aalburoto ng bulkan at malapit sa crater nito ang magma. Kapag nalalapit na ang hazardous eruption ay idedeklara ang Alert Level 3, samantalang Alert Level 5 naman kapag may aktuwal nang hazardous eruption.

Ayon pa kay Solidum, ang pag-aalburoto ngayon ng Mayon ay maitutulad sa pagsabog nito noong 2006 at 2009. Noong 2009, nasa isang buwang nanatili sa mga evacuation center ang mga taga-Albay.

Aabot na sa 40,000 katao ang nailikas sa 32 evacuation center sa mga siyudad ng Ligao, Tabao, at Legazpi; gayundin sa mga bayan ng Malilipot, Sto. Domingo, Daraga, Camalig, at Guinobatan.

Samantala, nagsagawa ng aerial inspection ang Quick Response Team (QRT) ng Phivolcs upang matukoy ang lawak ng nasasalanta ng bulkan.

Sakay sa air asset ng Tactical Operations Group ng Philippine Air Force (PAF), natukoy ng grupo ang maliliit na lagusan na nilikha ng lava flow, at ang dami ng pyroclastic materials na ibinuga ng bulkan patungo sa mga ilog at pababa sa paanan nito.

Kaugnay nito, nakapagtala rin ang Phivolcs ng 48 rockfall events, dalawang pyroclastic density currents (PDCs) at volcanic earthquake sa nakalipas na 24 na oras.

Kinumpirma rin kahapon ng Phivolcs na nakaabot na sa tatlong kilometro ang lawak ng lava flow sa Miisi Gully, gayundin ang PDCs na pawang saklaw pa ng idineklarang permanent danger zone.