karera copy

GINABAYAN ng beteranong jockey na si Jesse B. Guce ang ‘Bite My Dust’ sa dominanteng six-length win sa Philracom Commissioner’s Cup – buwena-manong programa ng Philippine Racing Commission sa taong 2018 – nitong Linggo sa Philippine Racing Club Inc.’s Saddle & Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite.

Kumuha lang ng timing si Guce bago hinataw ang apat na taong colt sa huling 400 meters para makalayo sa mga karibal at tuluyang pakainin ng alikabok ang iniwan sa likuran sa karera na may distansiyang 1,700 meters at bilang pagpupugay kay dating Philracom Commissioner and Executive Director Francisco Paulino V. Cayco.

Kinilala ng Philracom ang kontribusyon ni Cayco sa kaunlaran ng industriya kung saan pinagsilbihan niya bilang Commissioner at Executive Director mula 1994 hanggang 1998.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nakopo ng may-aring si Nicomedes Cruz ang premyong P900,000.

Higit dito, nag-iwan ang ‘Bite my Dust’ ng pangamba sa mga karibal at bagong pag-asa sa bayang karerista bunsod nang impresibong panalo sa field na kinabibilangan ng mga pamosong pangarera tulad ng multi-stakes winners Messi ni Narciso Morales, Salt and Pepper ni Herminio Esguerra at Triple Crown champ Sepfourteen ng SC Stockfarm/Jojo Velasquez.

Malayong sumegunda sa Bite My Dust ang Salt and Pepper na kumita ng premyong P337,500.

“Maganda ang distansiya. Talagang pang-long distance siya,” sambit ni Guce patungol sa kanyang colt na sinanay ni Ruben Tupas, tumanggap ng P70,000 papremyo para sa ‘top breeder’.

Sinakyan ng pinsan ni Guce na si John Alvin Guce ang Sepfourteen, pumuwesto sa ikatlo na may kaakibat na premyong P187,500.

Nakaungos ang Lakan ni Banjamin C. Abalos Jr. sa simula nang hatawan, habang nakabuntot ang Electric Truth ni Leonardo Javier Jr., bago humirit ang Bite My Dust papasok sa huling 400 meters. Magkapanabay na nagunahan ang E;ectric Turth at Bite to Dust sa finish line at iwan ang Salt and Pepper at Sepfourteen.

“Remate lang at pumuwesto lang ng maganda. ‘Yun ang diskarte ko,” sambit ni Guce.

Nangibabaw din sa kani-kanilang laban sa PRCI nitong Linggo ang The Barrister (Race 1), Benissimo (Race 2), Fussion Drive (Race 3), Winter Fields (Race 5), Gee’s Star (Race 6), Anaffairtoremember (Race 7), Runzaprun (Race 8), Song of Songs (Race 9), Morning Breeze (Race 10), Tan Goal (Race 11) at Purple Ribbon (Race 12).

Sunod na bibitiwan ng Philracom ang Japan Racing Association Cup.