Ni Reggee Bonoan

KUNG hindi namin nakilala ang mommy ni Nico Antonio na si Atty. Joji Alonso, baka pagdudahan naming bakla ang aktor sa kapani-paniwalang pagganap bilang gay sa maraming pelikula.

nico copy

Ang unang gay role niya ay sa indie film na Laro ng Buhay ni Juan (2009), sinundan ng sitcom sa ABS-CBN na Malay Mo, Ma-develop (2010) na closet gay naman siya kasama sina Aga Muhlach at Ai Ai delas Alas.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Naging mabenta si Nico sa gay roles na ang latest ay sa pelikulang All of You na sabi ni Atty. Joji ay replacement lang dahil hindi umubra ‘yung orihinal sanang gaganap dahil sa schedule.

At heto, bading na naman ang karakter niya sa Ang Dalawang Mrs. Reyes nina Judy Ann Santos at Angelica Panganiban.

Hindi ba siya naaasiwa na palaging bading na roles ang napupunta sa kanya? Ano ang impresyon niya sa mga bading.

“Dati kasi nu’ng bata ako may pagka... takot ako sa bakla, galit ko sa kanila. Ginugulpi ko sila nu’ng bata pa ako,” sagot ni Nico na ikinatawa ng mga nakikinig. “Oo, nanggugulpi ako ng bakla ‘tapos nu’ng college, nag-theater ako.

Namulat ‘yung mata ko na ito na ‘yung mundo na we’re surrounded by gay people, lesbians and all. Hindi na bastang gay lang, homosexual or transgender, iba-iba na ‘yung category.

“At dahil nanggugulpi ako ng bakla noong bata ako, tinanong ko ‘yung nanay ko kung bakla ako, sabi niya, hindi.

Okay... hayun.

“So by playing gay roles, doon ko na-realize na ‘yun nga, iba-iba ang klaseng baklang meron tayo ngayon. So dapat ‘yung portrayal ko, iba-iba rin. Ang hindi ko pa lang nagagampanan ay transgender or a woman trapped inside the man’s body pero other than that, nagawa ko na lahat,” kuwento ni Nico.

Hindi alam ng nakararami na nagtapos ng abogasya si Nico, pero hindi na kumuha ng bar exam dahil nahila na siya ng showbiz at kaliwa’t kanan ngayon ang projects.

Tinanong namin noon si Atty. Joji kung hindi ba ito nanghihinayang na hindi nakasunod sa yapak niya ang anak kasama ang dalawa pa nitong kapatid na matitinik na ring abogado.

“Let’s put it this way, ako naman whatever my children want and what I believe makes them happy, ‘nirerespeto ko ‘yun, sinusuportahan ko.

“If I had a choice, I would have wanted Nico to become a lawyer like my two other children, kaya lang his heart is not there, eh. So, I’m happy na tinapos niya ‘yung law degree niya, whatever happens may fallback siya, hindi na nga lang siya nakapag-bar kasi sunud-sunod na ‘yung schedules.

“’Pag nag-bar ka talaga you have to be out of the grid at least for a year to prepare well for it. Hindi ko na rin inaasahan na makakapag-bar pa siya kasi mahirap na ‘yun after so many years mag-graduate, ang daming batas na nabago,” paliwanag ng mama ni Nico.

Wala ba namang pagsisisi si Nico na hindi ito naging abogado?

“Ay, wala! Sobra siyang (Nico) happy sa ginagawa niya. Happy siya ‘pag umaarte siya. ‘Tapos may upcoming movie pa siya for Cine Filipino, support siya ng the comeback (movie) of Rosemarie Gil with Jaime Fabregas.

“Nu’ng nabasa ko ‘yung script, sabi ko sa kanya, ‘my God, you need to do this, ang ganda-ganda ng script,” proud na sabi pa ni Atty. Joji.

Kanino nakuha ni Nico ang artistic side?

“Ay, hindi galing sa akin, hindi naman ako umaarte. Siguro sa mother side ko kasi may dalawa akong pinsan na singers, ‘yung dating champion na Novo Bono, Jr. related sa amin ‘yun. ‘Tapos si Mon Villanueva ng Rainmakers, pinsan ko. So ‘yun ang side ko na creative.”

Proud mommy si Atty. Joji na mahusay umarte si Nico at super proud lola naman sa dalawang anak ng aktor.

“Masaya ako as in kasi ang cute-cute ng mga apo ko. Nakaka-bonding ko sila, kasama ko sa church.”

Makikita sa social media posts ng Quantum Films producer na ini-enjoy niya ang mga apo lalo na ang bunsong anak ni Nico na kamukhang-kamukha niya.

Pero hindi biro ang mga pinagdaanan ni Nico para makapasok sa showbiz dahil kahit may koneksiyon ang nanay bilang film producer, kung hindi siya nagpakita ng kahusayan sa pag-arte ay hindi rin naman siya kukunin sa maraming projects.

Pabirong tanong namin kay Atty. Joji, tumatawad ba siya sa talent fee ni Nico?

“May tawad siyempre, upakan ko siya kung hindi siya papayag. Tinawaran ko siya sa Ang Dalawang Mrs. Reyes. Nagpaalam kami sa Star Magic, siyempre naintindihan naman nila ‘yun, nanay ako.”

Pinagsabay ni Nico ang shooting ng Ang Dalawang Mrs. Reyes at tapings ng The Good Son na gumaganap siya bilang pulis na nag-iimbestiga sa pagkamatay ng kapatid niyang si SPOI Leandro Colmenares (Michael Rivero) at Victor Buenavidez (Albert Martinez).

Mapapanood na ang Ang Dalawang Mrs. Reyes sa Enero 17 handog ng Quantum Films, IdeaFirst Company at Star Cinema mula sa direksyon ni Jun Robles Lana at kasama rin sa pelikula sina Joross Gamboa, Carmi Martin at JC de Vera.