Ni Bert de Guzman

NANG dahil sa TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) law ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng kanyang economic-finance managers, inaasahang tataas ng walong sentimos (P0.08) ang electricity bills ng libu-libong customer ng Meralco. Ngayong Enero, bababa ang singil sa kuryente, pero tataas sa Pebrero.

Tiyak daw na tataas ang electricity rates kapag ipinatupad ang coal excise tax at ang pag-aalis sa value-added tax (VAT) ng National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) sa ilalim ng TRAIN law. Ayon kay Lawrence Fernandez, hepe ng Meralco Utility Economics, nakikipag-ugnayan sila sa mga generator upang masuri ang kanilang stock.

Badya ni Fernandez: “But for the NGCP, the TRAIN is in effect Jan. 1 so their January bill to us, we expect they will apply VAT in the transmission wheeling charges.” Sa ilalim kasi ng RA 9511, ang NGCP ay exempted sa income tax at VAT. Pinawalang-saysay ito sa Section 85 ng TRAIN law, at isinailalim ang NGCP sa VAT provision sa ilalim ng National Internal Revenue Code (NIRC).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Una rito, hiniling ng Meralco sa gobyerno na i-reconsider ang pagtaas sa coal excise tax sapagkat ang impact o epekto nito ay mararamdaman ng mga consumer sa pagtaas na electricity rates o singil. Sinabi ng Dept. of Energy na inaasahang ang epekto ng coal excise tax sa electricity rates ay makikita sa electricity bills ng consumers sa darating na tag-araw. Naku po naman, kay-init na panahon, kelangan ang bentilador at aircon at madalas na paliligo.

Tinupad ni PRRD ang pangako na dodoblehin ang sahod ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines. Pagkaupung-pagkaupo niya bilang presidente, laging inuulit niya ang pagtataas sa sahod ng mga kawal at pulis. Nang hindi ito maibigay agad, ikinatwirang ang namana niyang budget ay sa umalis na PNoy admin kaya hindi agad maipagkakaloob ang “dobleng sahod.”

Nang aprubahan ng Kongreso ang P3.767 trilyong pambansang budget, kasama na rito ang ipinangakong pagtataas ng sahod. Palakpakan ang mga pulis at kawal. Ngayon, ang isinusulong ni Mano Digong ay ang pagtataas sa sahod ng mga guro, na tulad ng mga kawal, sundalo at OFWs, ay maituturing na “mga bayani” ng bansa bilang tagahubog sa kaisipan ng mga kabataan.

Kinalabit ako ng kaibigang journalist: “’Di mo ba napapansin, inuuto ng pangulo ang PNP at AFP sapagkat tanging ang mga ito ang may puwersa na siya ay ikudeta?” Marahil ay ganito rin ang iniisip ng taumbayan, subalit karapat-dapat ding bigyan ng salary increase ang mga guro na tahimik na nagtuturo sa mga kabataang mag-aaral at pumapapel bilang pangalawang magulang nila.

Ganito ang headline ng isang English broadsheet noong Miyerkules: “Palace” New Charter will lead to ‘No-El’. “Sabi ni presidential spokesman Harry Roque, hindi na kelangan ang 2019 midterm elections kapag niratipika ng taumbayan ang bagong Konstitusyon. Akala ko ba, gusto ni Pres. Rody na ituloy ang 2019 elections.

Kontra si Sen. Panfilo Lacson na susugan ang Constitution sa pamamagitan ng constituent assembly o Con-Ass. Hindi raw susuportahan ng mga senador si Senate Pres. Koko Pimentel, alyado ni PDU30 at pangulo ng PDP-Laban, kapag pumayag na amyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng Con-Ass. Dapat daw manindigan si Koko na maging hiwalay ang pagboto ng mga senador at kongresista sa pagbabago ng Konstitusyon.