Ni Vanne Elaine P. Terrazola

Pinalaya na nitong Biyernes ng gabi mula sa kanyang detention room sa Senado si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon makaraang pagbigyan ni Senator Richard Gordon ang hiling niyang temporary furlough.

Faeldon copy copy

Ayon kay retired Gen. Jose Balajadia, Senate Sergeant at Arms, bandang 10:00 ng gabi nang pinalaya si Faeldon upang mabisita ang kanyang domestic partner na nagsilang sa anak nilang lalaki sa isang ospital sa Taytay, Rizal.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Nanganak ang partner ng dating komisyuner sa ganap na 11:56 ng gabi, ayon sa abogado ni Faeldon na si Atty. Jose Diño.

Kasama ni Faeldon ang ilang tauhan ng Senate security dahil nasa kustodiya pa rin siya ng Mataas na Kapulungan makaraan siyang ma-cite for contempt.

Sinabi ni Balajadia sa Balita na bibigyan ng Senado si Faeldon ng panahon “enough to enjoy his newborn”.

Gayunman, napaulat na binigyan si Faeldon ng 48-oras na furlough at inaasahang babalik sa Senado ng Linggo ng gabi.

Una nang hiniling ng kampo ni Faeldon sa Senate Blue Ribbon Committee ni Gordon na payagan siyang mabisita ang buntis niyang partner at mabisita ang bunso niyang anak.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, nagpasalamat si Faeldon kay Gordon sa pagpayag sa kanyang furlough, kahit pa una na niyang tinuligsa ang senador sa pagtanggi sa kanyang mga kahilingan.

Pumayag din si Gordon na kumonsulta si Faeldon sa cardiologist nito, at manumpa sa tungkulin bilang bagong deputy administrator ng Office of Civil Defense.

Setyembre nang makulong sa Senado si Faeldon makaraang ma-contempt sa pagtanggi niyang dumalo sa pagsisiyasat sa P6.4-bilyon shabu mula sa China na nakalusot sa Customs.