Ni Genalyn D. Kabiling

Iginiit kahapon ng Malacañang na ang pagpapalawig ng isang taon pa sa martial law sa Mindanao ay may matatag at legal na basehan, kasunod ng paghahain ng ikatlong petisyon sa Supreme Court (SC) laban dito.

“We welcome the challenge but the two branches of government the executive and the legislative have already found factual and legal basis for the declaration of martial law,” sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press conference sa Bukidnon.

“The declaration of martial law, the extension for a year enjoys overwhelming presumption of constitutionality,” dagdag niya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Gayunpaman, sinabi ni Roque na inirerespeto nila ang petisyon laban sa martial law extension bilang isa sa mga karapatan ng sinumang mamamayan sa ilalim ng Konstitusyon.

Dumulog kahapon sa Korte Suprema si dating Commission on Human Rights Chairperson Loretta Ann Rosales upang pawalang-bisa ang one-year extension ng batas militar sa Mindanao. Sinabi ni Rosales sa petisyon na wala nang basehan ang nasabing extension dahil wala nang aktuwal na rebelyon sa rehiyon.

Hiniling ni Pangulong Duterte sa Kongreso ang pagpapalawig sa martial law sa Mindanao upang tuluyang mapuksa ang mga terorista at rebelde sa rehiyon.

Mayo 23, 2017 nang magdeklara ng martial law sa Mindanao si Pangulong Duterte ilang oras makaraang salakayin ng Maute-ISIS ang Marawi City. Naitaboy sa siyudad ang mga terorista makalipas ang limang buwan.