Ni Jun Ramirez at Mina Navarro

Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan na tumakas sa kani-kanilang bansa upang iwasan ang hatol na pagkakakulong dahil sa sex crimes.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang mga inaresto na sina Robert Michael Eastwood, 67, British; at Frank Carson, Jr., 68, American, na inaresto sa hiwalay na operasyon ng mga miyembro ng fugitive search unit (FSU) ng tanggapan sa Visayas.

Inaresto si Eastwood nitong Miyerkules sa Barangay Canuntog, Ormoc City habang si Carson ay dinakip kinabukasan sa Alegria Palms Subdivision sa Cordova, Cebu.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“As usual, the two of them will be deported as they pose a risk to public safety and security and they will be placed in our blacklist to ensure that they do not return to the Philippines in the future,” ayon sa BI chief.

Ayon kay BI intelligence officer at FSU chief Bobby Raquepo, si Eastwood ay registered sex offender (RSO) na nasa wanted list ng UK police dahil sa nakabimbing warrant of arrest para sa sexual assault at iba pang kasong kriminal.

Habang si Carson, ayon kay Raquepo, ay may outstanding warrant of arrest na inisyu ng Superior Court sa Alameda County, California dahil sa pagkabigo niyang mag-register bilang sex offender.

Napag-alaman din na si Carson, sex convict, ay undocumented alien bilang resulta ng pagkansela ng US government sa kanyang pasaporte.

Sa ngayon, sina Eastwood at Carson ay nakakulong sa BI detention facility sa Bicutan, Taguig.