Ni Reggee Bonoan

TULUYAN nang namaalam ang karakter ni Angel Locsin na si Jacintha Magsaysay sa La Luna Sangre nitong Martes nang saksakin niya ng pangil ng lobo si Supremo/Sandrino (Richard Gutierrez).

ANGEL copy

Pero bago namaalam si Jacintha ay sinaksak muna niya si Tristan (Daniel Padilla) dahil nakita niya sa pangitain niya na kakagatin nito si Malia (Kathryn Bernardo) matapos itong kagatin ng Kuya Sandrino niya.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kaya nang mapatay na sina Sandrino at Tristan, panay ang usal ni Jacintha kay Malia ng, “Tapos na, tapos na” na ang ibig sabihin ay tapos na ang misyon niya.

Pero dahil fantaserye ang La Luna Sangre, hindi pa tapos ang laban. Kaya ang sabi sa teaser, ‘kung inaakala mong nagbago ang propesiya ay nagkakamali ka.’

Naglalakad sa may bukid si Malia nang biglang, napahinto dahil may nakitang dumating kaya ito ang inabangan kagabi.

Trending ang exit ni Angel sa LLS. Marami ang nalungkot sa pamamaalam ni Angel bilang si Jacintha kaya agad siyang nag-post sa Instagram nito:

“Hindi sa tala sa langit, kundi sa buwang nakasilip, ibigay ang hiling ng matang nakapikit... Playing Jacintha is one hell of a ride. Sa lahat ng bumubuo ng La Luna Sangre, thank you for the countless hours you have been working hard away from your families to make this show great. I’ll miss you guys, swear. Please take good care of your health and to everyone who supported the show, sending you, guys, virtual hugs and kisses of sincere pasasalamat! You are our source of strength during tough times. Thanks for giving us work for our families! Jacintha signing off...#GabiNgLaLunaSangre.”

Halos magkakapareho ang nabasa naming komento ng followers ni Angel, nalulungkot sila sa pag-alis ni Jacintha at may mga nagsabing #hailangel at nagpapasalamat din sa magandang nagawa ng karakter niya sa LLS.

Pero marami rin ang nagsabing, “please bumalik ka sa ibang karakter naman, Angel Locsin.“

May mga loyalistang supporter siya na nagsabing, “And we also signing off, bye LLS wala ka na so why should I watch still, hehehehe I love you so much sorry sa LLS:-(“

Anyway, kung hindi na mapapanood si Angel sa La Luna Sangre ay regular naman siya tuwing Sabado at Linggo sa Pilipinas Got Talent Season 6 kasama sina Mr. Freddie M. Garcia, Robin Padilla at Vice Ganda.

Napakataas ng itinalang 36.8% ratings ng pilot episode ng PGT6 at inilampaso nito ang katapat na programang Pepito Manaloto na nakakuha ng 18.7% at nitong nakaraang Linggo ay nakakuha ng 40.8% kumpara sa Daig Kayo ng Lola Ko (14.5%) base sa Kantar Media.

Nakasisiguro kami na maski sa pinaniniwalaang AGB Nielsen survey ng GMA 7 ay talo rin sila sa ratings game.