NAPAGBUNTUNAN ng naramdamang pagkaunsiyami ng San Beda College ang top seed College of St Benilde nang gapiin nito ang huli, 2-0, nitong Lunes ng gabi sa Final Four round ng NCAA Season 93 football tournament sa Rizal Memorial Track and Football field.

Dahil sa panalo nakapuwersa ang Red Booters ng do-or-die game para sa huling finals slot.

Matatandaang nanguna ang San Beda sa pagtatapos ng elimination round ngunit bumagsak sila bilang fourth seed at nawala ang twice -to -beat incentive matapos ma-forfeit ang dalawang laro dahil sa paggamit ng ineligible player.

Unang umiskor ng goal para sa Red Booters si Wally Magtoto bago mag half-hour mark bago sinelyuhan ng goal ni Nimrod Balabat ang panalo sa second half.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Dahil sa panalo,nanatiling buhay ang tsansa ng San Beda sa kanilang title retention bid..

“Sabi ko sa kanila, we still have chances,” ani SBC coach Nieboy Pediamonte. “Aim lang natin bago matapos yung taon is to get to the Final Four, and we did.”

Ayon pa kay Pedimonte, ang kanilang determinasyon ang naging susi ng kanilang panalo.

“Yung attitude lang na hindi bumibigay sa game, yun yung nag-transpire sa game na to,” aniya.

Nauna rito, inangkin ng second seed Arellano University Chiefs ang unang Finals berth makaraang gapiin ang Lyceum of the Philippines University Pirates, 3-1.

Umiskor ng goals sina Charles Gamutan at Roberto Corsarme Jr. sa 46th at 56th minutes bago pormal na sinelyuhan ang panalo ni Patrick Bernarte ,pagkalipas ng 15 minuto.

Nakaiwas lamang ang Lyceum sa shutout sa pamamagitan ni Levi Malihan na naitala ang huling goal ng laro sa 81st minute . - Marivic Awitan