Ni Ric Valmonte
“GAGASTOS tayo para sa halalan ng mga delegado sa bawat congressional district. Ang mga delegado ay may sahod at allowance. Mayroon silang staff. Maging ang convention ay may sarili ding staff,” wika ni Davao City Rep. Karlo Nograles. Bukod dito, aniya, magbibigay o uupa ang gobyerno para sa layuning ito at iba pang pangangailangan na kailangan ang pananalapi.
Samantalang hindi naman daw makapagtatakda ang Kongreso kung kailan tatapusin ng Convention ang trabaho nito.
Maaaring lumaki pa raw ang gastos na makakasakit sa mga programa ng adminstrasyon, lalo na iyong pagbibigay ng serbisyo-publiko. Gagastos umano ang taumbayan, ayon kay Nograles, ng P7 bilyon kapag Constitutional Convention (Con-Con) ang magbabago ng Saligang Batas.
Kaya, ayon kina Nograles at Rep. Rodolfo Albano, sinusuportahan nila ang panukala ni Speaker Pantaleon Alvarez na magsanib na lang ang Kongreso at Senado bilang Constituent Assembly (Con-ass), na magbabago ng Saligang Batas, kasama na rito na gawing federal system ang gobyerno. “Sabay kaming magtatrabaho bilang mambabatas at lilikha ng Saligang Batas. Sa ganitong paraan, makatitipid ng malaking halaga, at dahil limitado ang aming termino, may tiyak na panahon na matatapos namin ang trabaho,” dagdag pa ni Nograles.
Iginigiit naman ng opposition na si Rep. Edcel Lagman na dapat ang Con-con ang gagawa ng Saligang Batas, sa halip na Con-ass. Ang Con-ass ay magiging “rubber stamp” lamang ni Pangulong Duterte, ayon sa kanya.
Walang presyo ang Saligang Batas. Kung kailangang gastusan ang pagbabago nito ng mahigit sa P7 bilyon, gawin natin ito, sa paraang aakma ang pagbabago sa layuning mapaganda ang buhay ng mga Pilipino at mapaunlad ang bansa. Ang pagbabago ay para sa pangmatagalang panahon na tatagos sa mga salinlahi. Kaya ito ang dapat na maging gabay ng mga babalangkas sa gagawing pagbabago, na walang pansariling interes na isasaalang-alang.
Sa palagay ninyo, magiging ganito kaya ang asal at saloobin ng mga kongresista at senador na na nais maging bahagi ng Con-ass? Napakalaking problema ito ng mamamayan. Sa hindi iilang pagkakataon, ipinakita nila na hindi nila puwedeng kontrahin ang kanilang interes at napakadali nilang sumunod sa kumpas ng isa o ilang tao.
Halimbawa, sa ilalim ng kasalukuyang Constitution, ipinaubaya sa mga mambabatas ang paggawa ng batas na gigiba sa political dynasty. Marami nang nagdaang Kongreso mula noong nalikha ang Konstitusyon, hindi nagpasa ng batas ang mga ito. Ipinaraya rin sa kanila ang paggawa ng batas na magsusulong ng tunay na reporma sa lupa, na isa sa paraan para masugpo ang kahirapan.
Pero, ang nilikha nila ay ang Comprehensive Agrarian Reform Law, kung saan napakaraming uri ng lupa ang naalis sa sakop ng batas. Napakabagal pa ang implementasyon dahil inipit nila ang sapat na pondo para rito.
Higit sa lahat, nasaksihan ng sambayanan ang klase ang Kongreso ngayon. “Rubber stamp” o tagasunod lang sila ni Pangulong Digong, ayon kay Rep. Lagman.
Kaya, kapag Con-ass ang babago sa Saligang Batas, ang magiging bunga ay hindi Constitution of the Philippines kundi “Duterte Constitution”.