Ni Bella Gamotea

Nagpatupad ng oil price hike ang mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Flying V at Phoenix Petroleum, ngayong Martes.

Sa pahayag ng Flying V, epektibo dakong 12:01 ng hatinggabi ng Enero 9 ay nagtaas ito ng 55 sentimos sa kada litro ng diesel, at 30 sentimos naman sa kerosene, habang hindi nagbago ang presyo ng gasolina.

Kaagad namang naglabas kahapon ng abiso ang Phoenix Petroleum na magpapatupad din ito ng kahalintulad na dagdag-presyo sa diesel, bandang 6:00 ng umaga ngayong Martes.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Asahan ang pagsunod ng iba pang kumpanya ng langis sa kaparehong taas-presyo sa petrolyo, na bunsod ng paggalaw sa presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Nilinaw naman ng Department of Energy (DOE) na lumang stock pa ng langis ang ibinebenta ngayon sa bansa, kaya hindi pa ito saklaw ng excise tax.

Ayon sa DOE, posibleng sa ikatlong linggo ng Enero pa sisimulang ipataw ang excise tax sa mga produktong petrolyo.