Ni Mary Ann Santiago

Titiyakin ng grupong Green Brigade na magiging malinis ang pagdaraos ng Traslacion bukas.

Ayon kay Fr. Ric Valencia, Head Minister ng Archdiocese of Manila Ecology Ministry, patuloy ang “green formation” ng Simbahan sa mga deboto ng Poong Hesus Nazareno na panatilihin ang kalinisan tuwing isinasagawa ang Traslacion.

Ang Green Brigade ay isang grupo na binuo ng Quiapo Church upang magpaalala sa mga tao at tiyakin na magiging malinis ang dadaanan ng prusisyon ng Nazareno.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Kwento ni Valencia, ngayong taon ay mahahati sa dalawang grupo ang Green Brigade na titiyak na maging malinis ang dadaanan ng prusisyon at ang ikalawa naman ay upang muling linisin ang naiwang kalat sa oras na makadaan na ang prusisyon.

“Isa sa mga ginagawa na ng Quiapo Church noon pa man ay ang pag-organize ng Green Brigade. For example, yung nakaraang procession ng Thanksgiving, sila ang nauuna sa paligid upang tignan yung mga ruta ng dadaanan ng prusisyon, nililinis na po nila yun. And then pagkatapos ng procession, babalik sila para linisin ulit. May mga nauuna at may sumusunod sa prusisyon,” ani Valencia sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Muli rin namang hinikayat ng pari ang mga deboto na huwag magkalat sa prusisyon at sinabing hindi masosolusyunan ang suliranin sa mga nagkalat na basura kung hindi maitutuwid ang pag-uugali ng mga tao.

Sinabi ng pari na nahihirapan sila sa pangangaral sa mga tao subalit hindi titigil ang simbahan sa pagtuturo ng responsableng pagtatapon ng mga basura.

“Ang problema kasi ng basura o yung hindi tamang ayos ng mga basura ay mainly because of the mindset… Pero ang maa-assure ko na hindi tumitigil at hindi tayo nagpapabaya sa pag-educate ng mga kababayan. Ang problema lang talaga dahil sa dami naman nila ay kung minsan mayroon din namang napaka-iresponsable,” aniya.

Umapela rin siya sa mga nais mag-volunteer na tumulong sa paglilinis ng inaasahang tone-toneladang basura na maiiwan sa Traslacion.

Ddagdag niya, ang pagpupulot ng mga basura ay isang mapagpakumbabang gawain at dito din mas maipamamalas ng isang tao ang kanyang debosyon at paggalang sa kapaligiran na nilikha ng Panginoon para sa sangkatauhan.

“Welcome ang mga grupo na gustong mag-participate [sa paglilinis] bilang debosyon din nila. Itong paglilinis ay isa sa pinakamalalim na ekspresyon ng ating pananampalataya. Maybe it’s humble but it is very powerful because it’s being grateful to the Creator who has given us the best as he can and particular his only son... So our attitude towards these gifts is also our act of gratefulness to the Creator,” ani Valencia.

Noong 2017 umabot sa 65 truck ng basura na katumbas ng 341.29 tons ang nahakot sa Quiapo simula January 7 hanggang 10, halos kalahati ang itinaas ng bilang na ito kumpara sa 172.29 tonelada ng basurang nahakot noong 2016.