Limang drug personalities, kabilang ang mag-asawa, ang inaresto sa magkahiwalay na operasyon sa magkaparehong lugar sa Quezon City nitong linggo.
Unang bumagsak sa mga kamay ng Novaliches Police-Station 4 sina Ariel De Guzman, 52; at kanyang misis na si Rodora, 50, residente ng Barangay Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.
Ayon kay station commander Superintendent Carlito Grijaldo, target si Ariel ng joint pre-operation ng Quezon City Police District Drug Enforcement Unit at ng Philippine Drug Enforcement Agency na nagpapakitang sangkot siya sa illegal drug trade.
Nang makumpirma nila ang ilegal na aktibidad ni Ariel, ipinadala ang mga miyembro ng PS-4 drug enforcement unit sa bahay ng suspek sa loob ng Geronimo Compound, bandang 5:00 ng hapon upang magsagawa ng buy-bust operation.
Pumasok si Police Officer 1 Sherwin Bumagat, na nagpanggap na buyer, kasama ang kanilang informant, sa bahay ni Ariel kung saan sila nagkasunduan.
Inutusan ni Ariel ang police poseur-buyer na ibigay ang bayad sa kanyang misis, si Roda. Sa transaksiyon, agad inaresto ng mga pulis ang mag-asawa.
Labing-isang pakete ng hinihinalang shabu, ilang drug paraphernalia, at P500 marked money ang nakuha mula sa mag-asawa.
Makalipas ang apat na oras sa nasabi ring compound, nagsagawa rin ng operasyon ang PS-4 anti-illegal drug operatives laban sa isang “Nine,” na sinasabing kilalang tulak ng droga sa Novaliches.
Gayunman, sa pagdating ng awtoridad sa bahay ng suspek, hinarap sila ng isang Sarah Baldon, kilala bilang “Pada,” 22, at isang Arvin Salandanan, kilala bilang “Taguro,” 18, dahil hindi umano makakapunta si “Nine” sa hindi batid na dahilan.
Sa gitna ng transaksiyon, agad inaresto ng mga pulis ang dalawa, gayundin si Kevin Peralta, 22, ng Barangay Nova Proper sa Novaliches, na bumili ng droga kay Salandanan.
Nakumpiska mula sa mga inaresto ang 11 pakete ng hinihinalang shabu at marked money.
Mahaharap ang mga suspek sa drug-related charges habang nagsasagawa ng manhunt operations laban kay “Nine.” - Alexandria Dennise San Juan