Ni Reuters
Pinagmumulta ng gobyerno ang French multinational pharmaceutical company na Sanofi Pasteur ng $2,000 (P99,700) at sinuspinde ng Food and Drugs Administration (FDA) ang clearance ng kontrobersiyal nitong bakuna kontra dengue na Dengvaxia makaraang tukuyin ang mga paglabag nito sa product registration at marketing, ayon kay Health Secretary Francisco Duque.
Inatasan din ng gobyerno ang Sanofi na itigil ang bentahan, pamamahagi, at marketing ng Dengvaxia makaraang magbabala ang kumpanya noong nakaraang taon na delikado sa severe dengue ang mga nabakunahan na hindi pa nagka-dengue.
“They were fined and their certificate of product registration was suspended,” sinabi kahapon ni Duque sa Reuters.
Natuklasan din ng FDA na nilabag ng Sanofi ang post-marketing surveillance requirements, ayon sa kalihim.
Hindi naman kaagad na nahingan ng komento ang Sanofi sa insidente.
Matatandaang naglunsad ng hiwalay na imbestigasyon ang Kamara at Senado kaugnay ng matinding pangambang idinulot ng nakaambang panganib sa mahigit 730,000 bata na nabakunahan ng Dengvaxia.
Gumastos ang pamahalaan ng P3.5 billion para sa malawakang immunization program kontra dengue noong 2016, sa layuning mabawasan ang 200,000 kaso ng dengue na naitatala kada taon.