Ni Beth Camia
Inihayag kahapon ng Malacañang na si Maritime Industry Authority (Marina) Administrator Marcial Quirico Amaro III ang huling opisyal ng pamahalaan na sinibak ni Pangulong Duterte sa puwesto dahil sa dami umano ng biyahe nito sa ibang bansa.
Sa press conference sa Davao City, tinuldukan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga espekulasyon sa nakalipas na mga araw nang kumpirmahin niyang si Amaro ang government official na susunod na sisibakin sa puwesto.
Sinabi ni Roque na base sa listahan ng paglalakbay na ipinagkaloob ng Department of Transportation (DOTr), nakabiyahe si Amaro ng 24 na beses sa iba’t ibang bansa sa loob ng 13 buwan.
“That’s an average of two foreign trips per month,” aniya.
Matatandaang una nang sinibak, dahil din sa “junket trips”, si dating Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairman Terry Ridon.
Inilabas kamakalawa ng Office of the President (OP) ang memorandum kaugnay ng mga panuntunan sa foreign trips ng mga nasa Executive Branch.
Ang memo na nagmula sa Office of the Executive Secretary (OES) ay naka-address sa lahat ng department secretary, at ng mga pinuno ng mga ahensiya, Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), at Government Financial Institutions (GFIs).
Nakasaad sa memo na papayagan lamang ang official foreign travel ng government officials at personnel kung ito ay istriktong bahagi ng mandato ng bibiyaheng opisyal, ang gagastusing budget ay hindi labis, at ang biyahe ay magdadala ng makabuluhang pakinabang sa bansa.