Ni Bert de Guzman
PANGATLO ang Pilipinas sa hanay ng mga bansa (55 nations) sa mundo sa pinakamasaya nitong 2017. Hahaha. Tawa tayo, hahaha... Batay sa Gallup International’s 41st Annual Global End of the Year Survey, napag-alaman na +86% ng mga Pilipino ang nagsasabing sila ay masaya kontra sa 2% na hindi raw masaya o katumbas ng +84%. Sampung porsiyento (10%) ang nagsabing hindi sila masaya pero hindi naman malungkot.
Nag-react kaagad si Communications Sec. Martin Andanar sa resulta ng Gallup survey sa pagsasabing titiyakin ng Duterte administration na ang mga Pinoy ay manatiling masaya at maligaya ngayong 2018. Badya ni Ka Martin: “Even in the bleakest and dire moments of our history as a nation, Filipinos have shown their immense capacity for hope and happiness”.
Bulong ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko: “Tama Ka Martin. Masaya pa rin ang mga Pilipino kahit sa maramihang pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users na NANLABAN daw. Kahit sa pagkawasak ng Marawi City. Kahit sa bilyun-bilyong pisong shabu smuggling sa BoC.”
Noong 2016, ang minamahal nating Pilipinas ay pangalawa sa pinakamasaya kasama ang China sa net score na +79%.
Ngayong 2017, Number One sa pinakamasaya ang Fiji (+92), sumunod ang Colombia (+87). Kasama sa Top 10 ang Mexico (+82), Vietnam (+77), Kasakhstan (+74), Papua New Guinea (+74), Indonesia (+68), India (+68), Argentina at Netherlands, parehong +64.
Samakatuwid, kung ang GIA survey ang paniniwalaan, masaya pa rin ang mga Pinoy sa kabila ng madugong giyera sa droga nina Pres. Rodrigo Roa Duterte at Gen. Bato, terorismo sa Mindanao (Marawi City), kriminalidad, at kurapsiyon.
Hahaha.... Ang survey ay ginawa noong Oktubre-Disyembre 2017 na may margin of error na plus 3% at minus 5% at 95% confidence level.
Baka raw sa pagtatapos ng 2018, ang Taon ng Aso, ang populasyon ng ‘Pinas ay baka sumirit sa 107.19 milyon mula sa 105.5 milyon nitong 2017, ayon sa Commission on Population (PopCom). Sinabi ni PopCom executive Sec. Juan Antonio Perez III, ang populasyon ay palalakihin ng may 1.8 milyong babies na inaasahang isisilang ngayong 2018, kumakatawan sa growth rate na 1.69%.
Buti na lang ang mga kasamahan ko sa BALITA, gaya ni Jet Hitosis, ay tumatalima sa population control program ng gobyerno. Payo ko sa mga mag-asawang Pinoy: “Pigilan muna ang panggigil ngayong malamig ang panahon”.
Sundin ang payo ni Pope Francis na huwag gayahin ang mga rabbit sa pagpaparami bunsod ng sunud-sunod na panganganak.
Isagawa ang tama at angkop na patlang ng pagbubuntis at panganganak nang hindi lalabag sa kautusan ng Simbahan.
Anyway, hindi na siguro angkop ang aral noon na: “Humayo kayo at magparami.” Naku po naman, marami na po kami ngayon sa mundo!