ni Celo Lagmay
SA kabila ng hindi magkamayaw na batian ng Happy New Year, hindi ko madama ang madamdaming mensahe na inihahatid ng naturang okasyon. Hanggang ngayon, kami ay nagluluksa dahil sa pagkamatay ng itinuturing naming pinakamatandang ama-amahan ng Lagmay clan—si Tata Idyong (Elpidio) na sumakabilang buhay sa edad na 95.
Totoong hndi maikukubli ang aming matinding pagdadalamhati lalo na kung iisipin na si Tata Idyong, na yumao noong Disyembre 23, ay nakaburol noong mismong araw ng Pasko—kasabay ng pagsasaya ng sangkatauhan dahil sa pagsilang ng ating Panginoon. Hanggang noong Bagong Taon, siya ay nakaburol pa rin sapagkat hinihintay ang pagdating ng kanyang mga mahal sa buhay mula sa Canada at iba pang bahagi ng bansa.
Sa kabila ng mungkahi ng ating nakatatandang mga kamag-anak na ilibing na agad si Tata Idyong bilang paggalang sa nakaugaliang mga pamahiin, napagkaisahan na ipagpaliban ang paghahatid sa kanyang huling hantungan. Sa gayon, magkakaroon ng pagkakataon na siya ay masulyapan sa huling pagkakataon.
Bukod sa aming mga kabarangay at kamag-anak, nasa piling ngayon ni Tata Idyong ang kanyang mga anak na sina Nelly (Dominga), Fred (na nauna nang sinundo, wika nga, ng Panginoon), Oliva, Pabling, Emma, Rosie, Elpie at Roland. Sila, kaming lahat, ay magkakasama sa panalangin para sa katahimikan ng kaluluwa ni Tata Idyong.
Sa kanyang kamatayan, hindi ko makakalimutan ang mga panganib na sinuong niya at ng kanyang mga kapwa beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lagi niyang ikinukuwento na sa kabila ng matinding puwersa ng mga dayuhang mananakop, at sa pamamagitan naman ng kanilang pangkaraniwang mga armas, nagagawa pa rin nilang maitaboy ang kanilang mga dayuhang kalaban.
Sa kabila ng katotohanan na halos humihilahod na sila sa hirap sa pagpapalipat-lipat ng lugar upang makaiwas sa mga kalaban, napagtiisan niya ang lahat, kabilang na ang malagim na Death March na nagmula pa sa Bataan hanggang sa Tarlac.
Dahil dito, ginawaran din naman siya ng medalya bilang pagkilala sa kanyang malagim na pakikipagsapalaran. Tumanggap ng kaukulang biyaya na nakatulong din naman sa kanya bago siya binawian ng buhay.
Gayunman, taglay ni Tata Idyong sa kanyang kamatayan ang pag-asa na madagdagan ang kanyang kakarampot na pensiyon; pati ang hangarin na masayaran siya ng biyaya mula naman sa US government, sapagkat ang mga sundalo ng Amerikano at Pilipino ay magkaagapay sa pakikipaglaban sa mga dayuhan.
Isa kang bayani, Tata Idyong. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa.