Inaresto kamakalawa ang isang lalaki matapos umanong mangikil ng P50,000 cash sa kanyang kaibigan at tinakot na ipagkakalat ang sekreto at pagiging kalaguyo ng huli kapag hindi nito ibinigay ang pera.
Kinilala ni Police Officer 3 Rhic Pittong, imbestigador ng Quezon City Police District, ang suspek na si Jeric Pardo, 41, residente ng Antipolo City.
Ang complainant, na tumangging pangalanan, ay 44-anyos na project manager sa isang engineering firm sa Quezon City.
Lumalabas na si Pardo ay dating namamasukang driver sa nasabing engineering company at na-assign sa complainant bago na-terminate nitong Marso.
Ayon sa biktima, tinawagan siya ni Pardo nitong Disyembre 20, bandang 1:08 ng hapon habang siya ay nasa opisina, humihingi ng P50,000 cash upang hindi isiwalat ang kanyang mga sekreto.
Dalawang araw matapos matanggap ang tawag, nagpadala ang complainant ng inisyal na P10,000 cash kay Pardo sa pamamagitan ng remittance center.
Nagkasundo ang dalawa na ang remaining balance na P40,000 ay ibibigay sa Biyernes, Enero 29.
Agad nagsampa ng kaso ang biktima laban kay Pardo at humingi ng tulong sa QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).
Nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng QCPD-CIDU laban kay Pardo sa tapat ng St. Bridget School sa Aurora Boulevard corner Katipunan Avenue bandang 2:45 ng hapon nitong Biyernes.
Isang police officer, na nagpanggap na tauhan ng biktima, ang nag-abot ng P10,000 marked money kay Pardo. Sa pagtanggap niya ng pera, dinamba ng mga pulis si Pardo.
Nahaharap ang suspek sa kasong robbery extortion na may piyansang P100,000. - Alexandria Dennise San Juan