Nina JEL SANTOS at AARON RECUENCO
“Natatakot po ako, pero susuko rin ako. Magpapalamig muna po ako.”
Ito ang huling text message na ipinadala ni Gilbert Gulpo, isa sa mga barangay tanod ng Addition Hills na umano’y rumatrat sa isang puting van, na inakalang getaway vehicle, na naging sanhi ng pagkamatay ng dalawang katao, kay barangay Chairman Kent Faminial.
Sa isang eksklusibong panayam ni Faminial sa Balita, sinabi niya na nakipag-usap siya kay Gulpo sa pamamagitan ng text message nitong Biyernes. Gayunman, ito na ang huli nilang pag-uusap sapagkat hindi na matawagan ang numerong ginamit ng tanod.
“He (Gulpo) texted me on Friday that he was afraid to come out, but said that he will soon surrender. He said that he is just letting things to cool down,” ani Faminial.
Si Gulpo, na kasalukuyang nagtatago, ay naglilingkod sa Barangay Hall of Addition Hills ng mahigit 10 taon.
Sinabi ng barangay chairman na iniwan ni Gulpo ang kanyang pamilya. Sa ngayon, pinili ng pamilya ng barangay tanod na hindi magsalita sa isyu at ipinagkatiwala ang kapalaran ni Gulpo sa imbestigasyon ng awtoridad.
Ang ibang tanod na sinasabi ring nagpaputok ng baril ay kinilalang si Ernesto Fajardo. Siya ay nasa kustodiya na ng pulisya, ayon kay Faminial.
Ang ilang tanod na sangkot sa kaso ay sumailalim na sa ballistic test.
Sinabi ni Faminial na sinuspinde na niya ang lahat ng tanod na sangkot sa insidente.
Sinabi rin ni Faminial na blangko siya kung paano nagkaroon ng baril si Gulpo at ang mga kasamahan nito, sinabing tanging batuta at posas lamang ang ibinibigay ng kanilang barangay sa mga tanod.
“I am not aware that they have guns. We only give our watchmen here handcuffs and wooden batons, but not guns,” ayon kay Faminial.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde, nasilayan ang mga tanod na binabaril ang puting Mistsubishi van nang sundan nila ito sa Shaw Boulevard. Nitong Biyernes, sinabi niya na mayroong close-circuit television (CCTV) footage na magpapatunay nito.
Kaugnay nito, nagsimula nang mag-imbestiga ang Internal Affairs Service (IAS) sa insidente.
Ayon kay IAS Inspector General Alfegar Triambulo, hinihintay nila ang resulta ng paraffin test ng lahat ng pulis na rumesponde at ballistic examination ng kani-kanilang baril upang malaman kung sino sa mga ito ang nagpaputok ng baril.
Aabot sa 40 basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan, patunay lamang na pinaulanan ng bala ang sasakyan.
Sampung pulis ang isinailalim sa paraffin tests habang ang kanilang mga baril, kabilang ang dalawang M16 rifle, ang isinailalim sa ballistics examinations.
“We are waiting for all the documents, including autopsy report results,” ani Triambulo.