Nina Dianara T. Alegre at Ellaine Dorothy S. Cal
Makalipas ang isang taon at anim na buwang panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa, halos buwan-buwan ay may bagong umeeksenang pangyayari sa Pilipinas.
Naririto ang ilan sa pinakamalalaking kaganapan nitong 2017, na sumubok at higit pang nagpatibay ng loob ni ‘Juan’.
Sa pagpasok ng 2017, maagang tagumpay ang sumalubong sa bansa makaraang mapatay si Mohammad Jaafar Maguid, ang lider ng Ansar Al-Khilafah Philippines na kaalyado ng Islamic State, sa Saranggani noong Enero 5.
Makalipas ang ilang araw, bumulaga ng buwan ding iyon ang pagkakabunyag sa pagdukot sa Korean businessman na si Jee Ick-joo sa Angeles City, Pampanga at pagpatay dito sa loob mismo ng Camp Crame sa Quezon City. Ang mga suspek, mga pulis na nagsamantala umano sa drug war ng pulisya.
Makalipas ang mahigit isang buwan, Pebrero 20, naging mainit ang isyu tungkol sa educational field trip makaraang bumangga sa poste ng kuryente ang tourist bus ng mga estudyante na patungong camping site sa Tanay, Rizal, at 15 ang nasawi.
Hindi naman nagpahuli sa kontrobersiya ang Senado sa pagkakaaresto kay Senador Leila de Lima noong Pebrero 24, kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa bentahan ng ilegal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP).
Naging makasaysayan naman ang 30th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Philippine International Convention Center, sa Pasay City noong Abril 26-Abril 29. Bilang host country, idinaos din sa bansa ang 50th Golden Anniversary Celebration ng ASEAN noong Agosto 8, na sinundan ng 31st ASEAN Summit noong Nobyembre 13-Nobyembre 15.
Pagsapit ng Mayo 17, napawalang-sala ang umano’y “pork barrel” scam queen na si Janet Lim-Napoles sa kasong illegal detention, na isinampa ng whistleblower na si Benhur Luy.
At ang pinakamalaking istorya ng 2017 ay nangyari noong Mayo 23 nang sinalakay ng Maute-ISIS ang Marawi City, Lanao del Sur, na sinundan ng pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng 60-araw na batas militar sa Mindanao.
Naharap din sa pagsubok ang Bureau of Customs (BoC), makaraang mabuking nitong Mayo 26 ang nakapuslit na P6.4-milyon shabu mula sa China, nang masamsam ang nasabing kontrabando sa isang bodega sa Valenzuela City.
Kasunod ng pagkakabunyag ng kurapsiyon sa BoC, nagbitiw sa puwesto si Nicanor Faeldon bilang BoC commissioner, kasama ang iba pang opisyal ng kawanihan.
Nasindak naman si Juan sa pamamaril at panununog ng nag-iisang armado sa Resorts World Manila sa Pasay, na ikinasawi ng 38 katao noong Hunyo 2.
Hindi naman nakaligtas sa drug raid si Ozamiz City, Misamis Occidental Mayor Reynaldo Parojinog, Sr., ang kanyang asawa, at 14 na iba pa nang masawi sila sa anti-drug operation sa kanilang compound noong Hulyo 30.
Higit pang naging kontrobersiyal ang drug war nang sumabog ang galit ng publiko sa pagkakapaslang ng mga pulis-Caloocan sa mga teenager na sina Kian Loyd delos Santos noong Agosto 16; Carl Angelo Arnaiz noong Agosto 18; at Reynaldo “Kulot” de Guzman na natagpuang nakalutang sa sapa sa Nueva Ecija noong Setyembre 5.
Isa rin sa mga pinag-usapan sa buong bansa ang pagkamatay ng hazing victim na si Honoracio “Atio” Castillo, UST law student at miyembro ng Aegis Juris fraternity, noong Setyembre 17.
Maituturing namang tagumpay ang pagkakapaslang sa Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon at sa lider ng Maute-ISIS na si Omar Maute sa Marawi noong Oktubre 16. Kinabukasan, idineklara ng Pangulo ang paglaya ng siyudad sa kamay ng mga rebelde hanggang sa iproklama ang pagtatapos ng limang-buwang digmaan sa lungsod noong Oktubre 23.
At bago matapos ang taon, magkakasunod pang trahedya ang sumubok sa mga Pinoy sa pagbayo ng bagyong ‘Urduja’ sa Bicol at Eastern Visayas nitong Disyembre 19, na ikinasawi ng 54 na katao; at ‘Vinta’ na pumatay naman ng 240 sa Mindanao at Visayas nitong Disyembre 22. Dalawang araw bago ang Pasko, Disyembre 23, nang masunog ang NCCC Mall sa Davao City, at 38 ang nasawi sa insidente.