Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Itinalaga ni Pangulong Duterte si dating Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon bilang bagong deputy administrator ng Office of Civil Defense (OCD) ilang buwan makaraang magbitiw sa tungkulin ang dating sundalo dahil sa alegasyon ng kurapsiyon sa kawanihan.

Sa appointment paper na nilagdaan ni Duterte nitong Disyembre 22, papalitan ni Faeldon si Rodolfo Demosthenes Santillan.

Matatandaang nagbitiw sa tungkulin si Faeldon makaraang madawit sa akusasyon ng kurapsiyon sa BoC kaugnay ng paglusot sa kawanihan ng P6.4-bilyon shabu shipment mula sa China noong Mayo ng kasalukuyang taon.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Una nang iginiit ng Pangulo na nananatili ang tiwala niya kay Faeldon kasunod ng pagbibitiw sa tungkulin ng opisyal, na pinalitan ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Isidro Lapeña III.

“From the tone of his resignation, he’s very disappointed but I really believe he is an honest man. The Government would need Faeldon,” sinabi noon ng Presidente.

Sa kasagsagan ng pagdinig ng Senado sa nasabing isyu, paulit-ulit na hindi sinipot ni Faeldon ang mga imbitasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hanggang sa ipakulong siya sa mismong tanggapan ng Senado sa Pasay City.

Noong nakaraang buwan, inabsuwelto na ng Department of Justice (DoJ) si Faeldon sa nasabing usapin dahil sa kabiguan umano ng PDEA na linawin ang naging kasalanan ng dating BoC chief sa smuggling incident.