Ni NORA CALDERON
PERSONAL na nag-guest si Noel Ferrer, member ng executive committee at spokesperson ng 43rd Metro Manila Film Festival (MMFF), sa programang The Source hosted by Pinky Webb sa CNN Philippines, kahapon. Ipinaliwanag niya ang mga kumakalat na usap-usapan tungkol sa ongoing filmfest.
Isa rito ang total gross ng opening day. Ayon kay Noel, walang puwedeng maglabas ng official figures, not even a day-to-day standing/ranking. Nagkasundo raw ang lahat ng producers at ang MMFF execom members na hihintayin nilang matapos ang festival bago i-release ang official box-office results.
Kapag may lumabas na figures, iimbestigahan ito at kapag nahuli ang sino man sa producers na nag-release sila ng figures, mapaparusahan sila at hindi sila puwedeng sumali sa susunod na MMFF. Isang paraan ito para manood ang moviegoers ng gusto nilang movie hindi dahil ito ang topgrosser o bandwagon effect.
Tungkol naman sa first-day-last-day sa mga sinehan ng alinmang pelikula, isa sa mga humingi ng kapalit na theater si Ryan Cayabyab ng Ang Larawan dahil after ng first day, papalitan na raw sila sa Trinoma Cinema dahil mahina ang gross nila. May iba ring producers na ganito ang hinaing.
Ayon kay Noel, may meeting sila ng playdate and booking people para hindi masyadong mawalan ng sinehan ang mahihinang pelikula. Kung mayroon man daw mawawalan ng sinehan hanggang December 31, ibabalik sila at bibigyan uli ng sinehan simula sa January 1, 2018.
Mamayang gabi, December 27, ang Gabi ng Parangal ng MMFF, at malalaman na kung sinu-sino ang mananalo sa iba’t ibang kategorya, mula sa tatlong best pictures hanggang sa mga mananalo ng best actor/actress, best supporting actor/actress, director at iba pang acting categories and technical categories.
Inaabangan kung aling pelikula ang hahakot ng maraming awards, depende sa boto ng mga appointed judges ng mga pelikulang kalahok. Isa ito sa maaaring makatulong para panoorin ang mga pelikulang magaganda pero hindi pa pinapasok sa ngayon.
Marami ang nagreklamo sa MMFF noong nakaraang taon na nagpaka-artistic ang mga namili ng official entries, pero ngayon ay ibinalik na ang mga dating pelikula na magbibigay hindi lamang ng magagandang kuwento kundi kikita rin sa takilya para naman hindi malugi ang producers at ang theater owners. Most especially, may maipopondo na uli sa maraming beneficiaries ng MMFF.
Makikita sa muling pagdumog ng mga manonood sa mga sinehan na ang ganitong klaseng mga pelikula pa rin talaga ang gusto nila.