MAKALIPAS ang ilang taon ng kawalan ng katiyakan ng gobyerno, nagsimula na sa wakas ang proyekto sa pagdedebelop sa Clark International Airport.
Idinaos na noong nakaraang linggo ang groundbreaking rites para sa New Terminal Building sa 100,000 metro-kuwadradong lugar, na kapag nakumpleto ay magagawang matanggap ang hanggang walong milyong pasahero kada taon. Inilarawan ito bilang “hybrid” project, kung saan sinimulan ng pamahalaan ang konstruksiyon at iba pang kaugnay na proyekto na bukas para sa bidding ng mga pribadong kumpanya.
Ang Clark ang nasa sentro ng programang pang-imprastruktura sa Luzon na kinabibilangan ng ilang expressway patungo sa Northern Luzon at sa silangan ng Aurora. Ang kabuuan ng airport-expressway system ay gagastusan ng P1 trilyon, ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III.
Isa sa mga dahilan ng pangunahing programang ito sa Central at Northern Luzon, na Clark ang nasa sentro, ay ang pangangailangang resolbahin ang tumitinding problema sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang pangunahing paliparan sa bansa. Hindi na magawa ng NAIA na matanggap ang milyun-milyong bumibisita sa bansa, bukod pa sa milyun-milyon ding mga Pinoy na umaalis para magtungo sa ibang bansa, karamihan sa kanila ay overseas Filipino workers.
Hindi naman napag-iiwanan ang NAIA. May sarili itong development program. Ilang kumpanya ang bumuo ng consortium na nagsumite ng panukalang isailalim sa rehabilitasyon at pangasiwaan ang NAIA, na sa kabila ng mga limitasyon nito — nasa 63.5 ektarya lamang ito at may iisang runway — ay may hindi matatawarang bentahe sa lokasyon nito na nasa sentro ng pulitika at ekonomiya ng Metro Manila.
Mananatiling ang NAIA ang pangunahing paliparan sa bansa kahit buksan na ang Clark, gaya ng iba pang malalaking siyudad na may two-airport systems, tulad ng Tokyo (Haneda at Narita) at London (Gatwick at Heathrow). Sa ipatutupad na upgrades, maaaring dagdagan ng NAIA sa 48 kada oras ang kasalukuyan nitong 40 take-off at landings bawat oras.
Subalit ang hinaharap ay nakatuon sa Clark dahil sa malawak nitong lupain — 4,000 ektarya — at dalawang dambuhalang runway na itinayo ng US Air Force para sa mga bomber at swift fighter nito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, noong Korean War, at noong Vietnam War. Sa loob ng nakalipas na mga buwan, mas marami nang kumpanya ng eroplano ang inilipat sa Clark ang kani-kanilang operasyon.
Matagal at masalimuot ang pagdedebate ng nakalipas na administrasyong Aquino tungkol sa problema sa NAIA, at ikinonsidera pa ang mga planong magbukas ng bagong paliparan sa Cavite at Bulacan, at maging sa binawing lupain sa Manila Bay. At ngayon, nagdesisyon ang administrasyong Duterte na gamitin ang Clark sa loob lamang ng 18 buwang pamumuno nito.
“It just shows it has strong political will to get things done fast,” sabi ni Secretary Dominguez.