Ni Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:15 n.h. -- Blackwater vs Meralco
7:00 n.g. -- Rain or Shine vsTNT Katropa
ITINALAGANG isa sa apat na team to beat ngayong 2018 PBA Philippine Cup, sisimulan ng TNT Katropa ang kampanya sa Season 43 sa pagsagupa sa Rain or Shine sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Mauuna rito, magtutuos sa unang laban ang ngayon pa lamang magdi -debut na Blackwater at Meralco ganap na 7 ng gabi.
Kasama ng defending champion San Miguel Beer at Barangay Ginebra San Miguel, ang Katropa ang isa sa mga itinalaga ng mga coaches ng ibang PBA teams bilang “team to beat” ngayong Philippine Cup.
Ngunit, ang nasabing estado ay hindi sinang-ayunan ni coach Nash Racela.
“The expectation has always been to compete and get better by the game,” ani Racela.
“It’s been so good and not so good that people talk about us and at the end of the day everything will be all about performance,” aniya.
Ayon pa kay Racela, kumpara sa Beermen at Gin Kings kapos sila sa height dahil wala silang lehitimong sentro na gaya ni Junemae Fajardo ng SMB at Greg Slaughter at Japeth Aguilar ng Ginebra.
Kung kaya’t magbabase sila sa talento, bilis at husay para makasabay sa karibal.
“We can’t be bigger than we are now but we can be stronger and faster and smarter and hopefully that will be enough, “ ayon pa kay Racela.
Sa kabilang dako, target naman ng Elasto Painters, na mahigitan ang naging pagtatapos sa nakalipas na season.
Tumapos at nakapasok lamang na 8th seed ang ROS noong nakaraang Philippine Cup bago napatalsik ng eventual champion Beermen.
Samantala sa unang laban, inaasahang babawi ang Bolts sa nakaraang kabiguan nila sa nakalipas na Governors Cup finals.
Para sa katunggaling Elite , inaasahan naman ni coach Leo Isaac na madala ang kumpiyansang nakuha nila sa nakaraang magandang pagtatapos sa Season 42 Governors Cup.