KABUUANG P2,097,834.60 ang nalikom at ipagkakaloob ng Philippine Racing Commission bilang ayuda sa mga programa ng Office of the President’s Rehabilitation of the City of Marawi at Senate Spouses Foundation Inc.
Ang naturang pondo ay nakalap mula sa 10 charity races na isinagawa ng Philracom sa Manila Jockey Club’s San Lazaro Park sa Carmona, Cavite nitong Linggo.
Tatanggap ang Office of the President’s Rehabilitation of the City of Marawi at ang Senate Spouses Foundation Inc. ng tig-P1,048,917.30 bilang tulong sa kanilang programa.
Nakiisa sa pagdiriwang bilang kinatawan ng Senate Spouses Foundation Inc. sina Neil Llamanzares, kabiyak ni Senator Grace Poe, at Josephine Llorca mula sa office of Senator JV Ejercito.
Nakibahagi rin sina Llamanzares at Llorca sa awards ceremony ng Philracom-MJCI Charity Trophy Race 4 kasama sina Philracom Commissioner Andrew A. Sanchez, commissioners Niles, Santillan, Executive Director Andrew Rovie Buencamino at MJCI Racing Manager Jose Ramon Magboo.
“It’s the Philracom’s own humble contribution to the Office of the President in its efforts to rehabilitate the City of Marawi and to the noteworthy programs of the Senate Spouses Foundation Incorporated. We know this will go a long way,” pahayag ni Philracom Chairman Sanchez.
Nakopo ng ‘Shoo In’, sakay si jockey FM Raquel ang karera na may distansiyang 1,500 meters kontra sa Johnny Be Good (JB Hernandez) at Metamorphosis (Pat Dilema).
Napagwagihan naman ang Race 6 ng Mystic Award (Jockey JD Juco), laban kina War Dancer (OP Cortez) at Medaglia Espresso (JP Guce).
Isinagawa ang 10 charity races batay sa Philracom’s Rating-Based Handicapping System, na siyang isinususlong ng commission bilang pagsunod sa programa ng International Federation of Horseracing Authorities kung saan isa ang Pilipinas sa mga miyembro. Isinusulong ng IFHA ang pagkakaroon ng tamang regulation at programa na naaayon sa international standard.
Ang programa sa San Lazaro Park ang ikaapat na special event ngayong taon na isinagawa ng Philracom para makatulong sa pagbangon ng Marawi City. Unang isinagawa sa Manila Jockey Club’s San Lazaro Park sa Carmona, Cavite (Aug. 13), Philippine Racing Club’s Santa Ana Park (Aug. 20) at Manila Metro Turf sa Malvar, Batangas (Aug. 27).
Bilang miyembro ng IFHA, handa ang Philracom na sumunod sa mga alituntunin at batas tulad ng rating-based handicapping system, equine drug-testing at transfer of technology sa layuning mapataas ang level ng kompetisyon at mapanatili ang respeto sa institusyon.