Umapela kahapon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga driver ng transport network vehicle service (TNVS) na Grab at Uber na dapat ay lagi silang online dahil sa tumataas na demand sa app-based service vehicle ngayong Christmas season.

Ayon kay LTFRB spokesperson, Board Member Aileen Lizada, dapat na makipagtulungan ang Grab at Uber drivers sa ahensiya para sa kapakanan ng mga pasahero, lalo na ngayong holiday season.

“I just want to call out ang mga TNVS: Please be online. The riding public needs you especially this holiday season. Please be online, para mas marami hong supply. Let us help each other. Binigyan ho kayo ng prangkisa and we are now moving forward. Magtulungan ho tayo, be online sa mga TNVS,” pakiusap ni Lizada.

Tiniyak din ni Lizada sa publiko na sinusubaybayan ng LTFRB ang mga reklamo laban sa Grab at Uber, sa tulong na rin ng social media.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Kapag nakakakuha kami ng mga ganyan (reklamo) sa social media, especially sa Twitter o sa Facebook account, we directly act either Uber or Grab to explain ano ‘yung computation nila, and sumasagot naman sila kaagad para maintindihan din ho ng mga tao,” sabi ni Lizada.

“We have a fare. May mga components po ito, ‘yung kanilang fare mismo which is ‘yung amount times the kilometers at tsaka ‘yung running time, may P2 for every minute. Meron din hong surge doon, it’s only times 2,” paliwanag niya. - Rommel P. Tabbad