Tatapusin na ng Department of Justice (DoJ) ang preliminary investigation nito sa reklamong inihain ng Bureau of Customs (BoC) kaugnay sa P6.4 bilyon ilegal na drogang nasabat noong Mayo.

Sinabi ni Assistant State Prosecutor Charlie Guhit na umaasa siyang matatapos nila ang preliminary investigation sa Enero 4 kung kailan nakatakdang maghain ang complainant at ang respondents ng kani-kanilang memoranda.

Pansamantala, sinabi ni Guhit na maghahain ang BoC sa Miyerkules ng sagot nito sa counter-affidavits na inihain ng mga respondent.

Kabilang sa mga pinangalanang respondents sa reklamo sina Eirene Mae Tatad, may-ari ng EMT Trading; Teejay Marcellana, customs broker ng EMT Trading; Mark Ruben Taguba, EMT Trading representative; Chen Ju Long, chairman at general manager ng Philippine Hongfei Logistics Group of Companies Inc.; warehouseman Fidel Anoche Dee; Taiwanese nationals Chen Min at Jhu Ming Jyun; businessman Li Guang Feng; at businessman Dong Yi Shen alyas Kenneth Dong.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa reklamo ng BOC, inakusahan ang siyam na respondent ng unlawful importation dahil sa paglabag sa mga probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Sa bodega ng Philippine Hongfei Logistics Group of Companies Inc. sa Valenzuela City natagpuan ang 604 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu noong Mayo 26.

Nitong Nobyembre 22, naghain ang DoJ sa Valenzuela City regional trial court laban sa parehong respondents maliban kay Dee batay sa reklamo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay sa parehong drug shipment.

Kinasuhan sila ng importation of dangerous drugs sa ilalim ng Section 4, kaugnay sa Section 26 (a) ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), nang walang inirekomendang piyansa. - Jeffrey G. Damicog