Inilunsad ng Bureau of Immigration (BI) ang biometrics-based system para sa mga computer sa iba’t ibang international airport sa bansa, bilang bahagi ng pagsisikap na baguhin ang operasyon nito at mas paghusayin ang kakayahang mahadlangan ang pagpasok ng mga hindi kanais-nais na dayuhan sa bansa.

Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na sa loob ng dalawang linggo, ang mga tauhan ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay gumamit ng bagong software na tinatawag na border control information system (BCIS), sa pagpoproseso sa lahat ng pasahero sa mundo, na pumapasok at lumabas sa mga pangunahing pantalan.

“A major feature of this new system is that aside from speeding up the processing time for passengers, it is also capable of detecting attempts by undesirable aliens, such as wanted fugitives and terrorists, to enter the country even if they come in as impostors or in disguise,” ani Morente.

Ipinaliwanag niya na ang BCIS software ay nangangailangan ng mga computer na gagamitin sa camera at finger scan device, para inspeksyunin ang lahat ng pasahero sa immigration.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Ang BCIS ay nakaugnay din sa database ng Interpol at ng Australian immigration department, kaya may listahan ng mga indibiduwal ang ahensiya, at madali nang mahuhuli ang sinuman na magtatangkang pumasok sa bansa.

Nabatid na ang BCIS ay una nang sinubukan sa maraming paliparan sa mga probinsiya. Sa katunayan, ang bagong sistema, aniya, ay unang naging operational sa mga paliparan ng Mactan-Cebu, Clark, Kalibo, Davao, at Laoag bago pa ito ipinakilala sa NAIA. - Mina Navarro