Pinalawig pa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dry-run para sa "high occupancy vehicle" (HOV) lane o carpooling sa EDSA.
Ayon sa MMDA, ang HOV lane sa EDSA ang maaari lamang gamitin ng mga sasakyang may dalawa o higit pang sakay.
Sinabi ni Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, na magtatagal ang dry-run hanggang sa katapusan ng 2017.
Nilinaw ni Pialago na hindi muna manghuhuli ang MMDA sa mga lalabag sa mga polisiya ng HOV lane.
Nabatid na sa Enero 2018 ay maglalabas ng rekomendasyon ang technical working group ng MMDA kung dapat o hindi ituloy ang HOV lane, batay sa datos na makukuha o assessment mula sa nasabing dry-run.
Sakaling epektibo o maging positibo ang resulta ng dry-run, isasagawa naman ang pangkalahatang implementasyon ng HOV lane sa unang tatlong buwan ng 2018.
Ngunit kung negatibo o hindi epektibo, muling pag-aaralan ng MMDA ang pagpapabuti sa HOV lane o carpooling sa EDSA. - Bella Gamotea