ni Dave M. Veridiano, E.E.

PASKO na. 'Di ito mapasusubalian ng nararamdamang nakapanginginig laman na lamig lalo na sa madaling araw, at kurot nitong abot hanggang sa katanghaling tapat.

Bakit nga ba kung kailan taglamig ay saka naman pinag-iingat sa sunog ang mamamayan? Ang dapat kasi ay sa Marso at Abril lang ito nangyayari dahil panahon ito ng tagtuyot, kaya nga ang buwan ng Marso ang idineklarang “Fire Prevention Month” ng mga awtoridad.

Ngunit ang kabalintunaang ito ay pinatotohanan ng estadistika ng Bureau of Fire Protection (BFP) na simula noong 2006 ay naging mabilis ang pagdami ng insidente ng sunog sa bansa, lalo na sa Metro Manila, kapag pumasok na ang Disyembre.

Ang nakitang malaking dahilan sa mga sunog na ito sa panahon ng taglamig ay ang paghahandang nakagawian ng mga Pilipino para ipagdiwang ang Pasko. Pagsalubong sa Pasko sa pamamagitan ng handaan at kasayahan ng mga magkakatrabaho, magkakaibigan, magkakalugar, magkakapitbahay, at magkakamag-anak.

Sa mga pagtitipon at kasayahang tulad nito, siyempre ay ‘di maiiwasang gumamit ng mga paputok at pyrotechnics, de-gas na gamit sa pagluluto, kagamitang de-kuryente at dekorasyong Christmas lights na may mababang kalidad — mga bagay na sinasabi ng mga awtoridad na dahil sa angking pag-iinit at ginagamitan ng apoy, ay nagiging pangunahing sanhi ng mga sunog tuwing panahon ng Kapaskuhan. Kaya naman, pagpasok pa lamang ng Disyembre ay todo agad ang paalala ng mga awtoridad, lalo na ng taga-BFP, na mag-ingat sa sunog.

Kaya naman masasabi kong maituturing na suwerte kaming mga taga-Quezon City dahil bukod sa masipag ay maagap pa ang mga pinuno namin dito sa pagpapaalaalang magdoble-ingat sa sunog tuwing magpa-Pasko. Makikita ito sa mga naitalang sunog sa Quezon City na bumaba ng halos 80 porsiyento mula Enero hanggang Nobyembre 2017.

Sa tala kasi na ipinalabas ni Quezon City Fire Marshall Senior Supt. Manuel M. Manuel, lumilitaw na mula sa bilang na 350 sunog sa Quezon City nitong nakaraang taon ay bumaba ito sa 235 na lamang sa parehong panahon sa taong ito. Sa imbestigasyong isinagawa naman, apat na suspek na lumitaw na may pakana sa panununog ang naaresto at nasampahan agad ng kaso ng Quezon City Fire Department (QCFD).

Sa nakikita ko, malaking bagay dito ang tulong na galing mismo sa tanggapan ni Mayor Herbert “Bistek” Bautista na naglaan ng milyong pondo para sa mga modernong kagamitan ng QCFD, gaya ng 31 high-tech at pitong iba pang uri ng fire truck, na nakatalaga sa mga fire station sa buong Quezon City. ‘Di ko matiis na ikumpara ang mga modernong kagamitang ito ng QCFD sa kagamitan naman ng ibang fire department sa Metro Manila—ang masasabi ko, NO MATCH!

Malaking tulong pa rin ang patuloy na awareness program sa mga barangay, sa pamamagitan ng mga seminar hinggil sa pag-iwas sa sunog, at ang paggamit ng angkop na mga kagamitan laban sa pagkalat ng apoy. Kadalasan kasing kahit nasa paligid lang ang mga fire extinguisher ay hindi naman napakikinabangan dahil walang marunong gumamit.

Hindi lamang pala sa crime prevention epektibo ang HIGH VISIBILITY, gaya ng pulisya. Maging ang palagiang pag-iikot umano ng mga truck ng bombero sa mga barangay ay nakatutulong din nang malaki upang mag-ingat ang mga tao sa sunog — kaya lagi itong ginagawa ng QCFD.

Sa tala ng QCFD, may 58,425 business establishment ang mayroong Fire Safety Inspection Certificate (FSIC) ngunit ang wala pa nito ay 20,078 — malaking bilang pa ito na dapat na maikutan ng mga inspector at kailangan itong ipatupad sa lalong madaling panahon.

(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].)