NAKATAKDANG maipamalas ni Jerwin Ancajas ang gilas at husay sa American boxing market sa kanyang unang pagsabak sa Amerika para idepensa ang International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight kontra Israel Gonzales ng Mexico sa Pebrero 3.
Nakatakdang ganapin ang laban sa American Bank Center sa Corpus Christi, Texas na siyang unang sabak sa US ng 25-anyos na pambato ng Panabo, Davao del Norte.
Ngayon pa lamang, ipinapalagay ni Hall of Fame promoter Bob Arum na si Ancajas ang susunod na ‘Manny Pacquiao’ ng Pilipinas.
Pormal na ipinahayag ni International match maker Sean Gibbons ang duwelo sa isinagawang press conference nitong Sabado sa Island Cove sa Cavite kung saan dumalo ang sina Ancajas, trainer manager Joven Jimenez, Games and Amusement Board (GAB) chairman Baham Mitra, at Jo Ramos ng MP Promotions.
“Excited po na maipakita kung ano meron ako (as a boxer) sa Amerika,” sambit ni Ancajas.
“Nag-umpisa na po kaming mag-training, and from there, tuluy-tuloy na ang conditioning,” aniya.
Ayon kay Gibbons, ang laban ay ipalalabas ng live sa ESPN kung saan tamnpok sa fight card ang laban nina World Boxing Organization (WBO) super middleweight champion Gilberto Ramirez ng Mexico kontra Habib Ahmed ng Ghana.
“We’re looking forward of showing to the U.S that Jerwin is one of the best 115-pounder in the world,” sambit ni Gibbons.
“You only get one shot (in the U.S.), so you show up, you want to make a hit, and make an impressive performance,” aniya.
Galing si Ancajas (28-1, 19 KOs) sa impresibong sixth round TKO win kontra sa dating walang talong si Jamie Conlan sa Belfast, Ireland nitong Nobyembre.
Haak naman ni Gonzales ang karta na 21-1 na may 8KOs.