Lalong paiigtingin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kampanya nito laban sa ilegal na droga sa buong bansa sa pagdadagdag ng ahensiya ng mahigit 100 drug-sniffing canines.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, kabilang sa plano ang pagharang sa narcotics na ipinupuslit sa mga cargo terminal sa buong bansa.

“PDEA is expected to acquire an additional 100 NDDs (narcotic detection dogs) in 2018 with training worth P500,000 for each dog,” ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino.

Napag-alaman din mula kay Aquino na sa kasalukuyan ay mayroong 52 NDDs at 57 handlers ang PDEA K-9 unit sa 17 rehiyon sa bansa.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Inihayag ng mataas na opisyal ng PDEA ang planong pagbili ng sniffing dogs kasunod ng pakikipagpulong sa foreign express delivery at domestic courier services nitong Biyernes.

Ang pulong ay bunsod ng pagkakakumpiska sa mga shabu, cocaine at ecstasy na ipinupuslit sa mga package na ipinapasok sa Pilipinas.

Nagkasundo naman ang PDEA at ang mga may-ari ng mga naturang delivery at courier services na magtulungan upang maharang at mahuli ang mga ilegal na droga na tinatangkang ipuslit sa bansa.

Aniya, bunga ng mahigpit na kampanya ng pamahalaan kontra sa ilegal na droga, gumagawa na ng iba’t ibang paraan ang mga sindikato na maipagpatuloy ang kanilang ilegal na mga aktibidad, tulad ng paggamit ng mail at parcel system upang ibiyahe ang mga narcotics sa bansa, at hindi madaling matukoy kung sino ang nasa likod nito.

Tiniyak naman ni Aquino na humahanap ng paraan ang PDEA upang hindi malusutan ng mga bagong modus operandi ng mga sindikato, tulad nang paggamit ng K-9 dogs at mga X-ray machines. - Jun Fabon